3 Pinoy cue artists pasok sa 3rd round
MANILA, Philippines — Tatlong Pinoy cue masters ang agad na nagparamdam upang umabante sa third round ng US Open 9-Ball Championship na ginaganap sa Sheraton Norfolk Waterside Hotel sa Norfolk, Virginia.
Nakasiguro ng opening-round byes sina dating World 8-Ball champion Dennis Orcollo, dating World 9-Ball titlist Ronnie Alcano at Zoren James Aranas sa torneong may nakalaang tumataginting na $200,000 kabuuang premyo.
Sa second round, nagtala si Orcollo ng 11-6 panalo laban kay American Rob Hart habang namayani naman si Alcano kay Daryl Peach ng Great Britain sa pamamagitan ng parehong 11-6 iskor.
Wagi naman si Aranas kay American Donnie Mills (11-7).
Nanaig naman sina World Games gold medalist Carlo Biado at Asian Games winner Warren Kiamco sa kani-kanilang first-round matches upang umusad sa second round.
Pinataob ni Biado si American Bernard Walker (11-4) habang inilampaso ni Kiamco si Adam Mscisz ng Poland (11-0).
Makakasagupa ni Biado sa second round si B Shearer ng Amerika habang lalarga si Kiamco kontra kay Han Hao Xiang ng China.
Armado rin sina Alex Pagulayan, Jeffrey De Luna at Johann Chua ng first-round byes.
Makikipagtuos si Pagulayan kay American John Moody, bubuwelta si De Luna kay Can Salim ng Germany at aarangkada si Chua kontra kay American Rodney Morris.
Tanging si Lee Vann Corteza lamang ang hindi pinalad nang matalo ito kay Zion Zvi ng Israel, 8-11 sa second round ng torneong may ipinatutupad na double-elimination format.
Gayunpaman, may tsansa pa si Corteza ngunit kailangan nitong walisin ang lahat ng kanyang asignatura sa losers’ bracket para umusad sa finals.
- Latest