MANILA, Philippines — Ibinitin ni PBA Commissioner Chito Narvasa ang kanyang desisyon tungkol sa itinutulak na trade ng Kia at San Miguel para sa No. 1 overall pick ng una sa darating na 2017 PBA Rookie Draft.
Sinabi ni Narvasa kahapon na gusto muna niyang makausap ang mga kinatawan ng Picanto at Beermen bago niya aprubahan ang naturang palitan.
Ang Kia ang may hawak ng karapatan para sa top overall pick ng 2017 PBA Rookie Draft na idaraos sa Linggo sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Nauna nang sinabi ng Picanto na kukunin nila si Fil-German Christian Standhardinger, miyembro ng Gilas Pilipinas na kasalukuyan pang may kontrata sa Hong Kong Eastern Sports Club sa Hong Kong.
Para makuha ang 6-foot-7 power forward ay handa ang Beermen na ibigay sina veteran center Jay-R Reyes at role players Keith Agovida at Rashawn McCarthy.
Ang Kia ang hihirang sa No. 1 overall pick kasunod ang NLEX, Blackwater, Phoenix, Globalport, Alaska, Rain or Shine, Star, TNT Katropa, San Miguel, Meralco at Barangay Ginebra.
Plano ng San Miguel na itambal si Standhardinger kay four-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo at isasama kina Arwind Santos, Alex Cabagnot at Chris Ross.
Sinasabing maaari ring isama ng Beermen sa trade sina Ronald Tubid, Yancy De Ocampo at Matt Rosser-Ganuelas kung tatanggihan ng Picanto sina Reyes, Agovida at McCarthy.
Samantala, hindi naman nakasama si Standhardinger sa idinaos na Draft Combine sa Gatorade Hoops Dome sa Mandaluyong.
Ayon kay Narvasa, nauna nang nagpaalam sa kanya si Standhardinger na hindi makakalahok sa nasabing aktibidad.
Nagsimula na ang 28-anyos na si Standhardinger sa kanyang pag-eensayo para sa Hong Kong Eastern Sports Club sa Hong Kong.
Sa Draft Combine ay nanguna si Kiefer Ravena sa halos lahat ng skills test.
Nagtala ang dating Ateneo Blue Eagles star ng highest vertical leap na 39.5 inches, naorasan ng 2.78 segundo sa 3/4 court sprint at nanguna sa lane agility drill.
Bumandera rin si Ravena, miyembro ng Gilas Cadets na kumuha ng gold medal sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia, sa maximum vertical leap.
Si dating La Salle player Julian Sargent ang hinirang na pinakamalakas sa kanyang pagbandera sa medicine ball throw, samantalang si Arelllano shooter Zach Nicholls ang nanalo sa shuttle run.