Fajardo naka-4 na

Hawak ni June Mar Fa­jardo ang kanyang ika­apat na MVP trophy.

MANILA, Philippines — Nakasuot ng polo shirt, asul na maong at rubber shoes, simpleng tinanggap ni June Mar Fajardo ng San Miguel ang kanyang ikaapat na sunod na PBA Most Valuable Player award kagabi sa 2017 Leo Awards sa Smart Araneta Coliseum

“Unang-una nagpapa­salamat ako kay God dahil sobrang blessed talaga ako,” wika ng 27-anyos na si Fajardo. “Hindi ko nga inaasahan na aabot ako sa PBA tapos nanalo pa ako ng apat na MVPs.”

Si Fajardo ang ikatlong PBA player na nakakuha ng apat na MVP trophies matapos sina Ramon Fernandez (1982, 1984, 1986 at 1988) at Alvin Patrimonio (1991, 1993, 1994 at 1997) at ang kauna-unahang PBA player na kinilalang MVP sa apat na sunod na season.

Si Fajardo ang bumandera sa pag-angkin ng Beermen sa mga korona ng 2017 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup bago sinibak ng Ginebra Gin Kings sa quarterfinals ng 2017 PBA Governor’s Cup na dumiskaril sa hangad nilang Grand Slam.

Ibinahagi rin ng 6-foot-10 Cebuano giant ang kanyang tropeo sa kanyang mga San Miguel teammates.

Nakasama rin si Fajardo sa First Mythical Team kahanay ang kanyang mga San Miguel teammates na sina Chris Ross, Alex Cabagnot at Arwind Santos at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra.

Sina Ross, Cabagnot, Santos at Aguilar ang nakalaban ni Fajardo para sa 2017 PBA MVP award.

Iniluklok din ang 6-foot-10 Cebuano giant sa All-Defensive team kasama sina Ross, Aguilar, Gabe Norwood ng Rain or Shine at Jio Jalalon ng Star.

Nasa Second Mythical squad sina LA Tenorio at Joe Devance ng Ginebra, Jayson Castro at Kelly Williams ng TNT Katropa at Cliff Hodge ng Meralco.

Hinirang namang 2017 PBA Rookie of the Year si TNT Katropa big guard RR Pogoy, dating kamador ng FEU Tamaraws sa UAAP.

Si Ross ang hinirang na Most Improved Player of the Year, habang ang Samboy Lim Sportsmanship award ay ibinigay naman kay Norwood.

Show comments