‘Di mapigil ang pirates

Tinirahan ni Anton Tamayo ng Perpetual Altas si Ervin Grospe ng JRU Heavy Bombers  sa aksyong ito sa NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena.

MANILA, Philippines — Tuloy ang pamimirata ng Lyceum of the Philippines nang pigilan nito ang San Sebastian College-Recoletos, 78-73 para makalapit sa sweep sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Naikampay ng Pirates ang ika-15 sunod na pa­nalo - tatlong pananaig na lamang upang masikwat ang awtomatikong puwesto sa finals kasama ang thrice-to-beat advantage.

Halimaw ang inilabas na laro ni MVP candidate CJ Perez na nagrehistro ng career-high na 28 points mula sa 11-of-21 shooting tampok ang siyam sa fourth quarter.

Kalakip pa nito ang 10 rebounds at apat na steals para tulungan ang Pirates na mapanatili ang malinis nitong rekord.

Hindi naman nag-iisa si Perez sa atake dahil suportado ito nina Jesper Ayaay, Jaycee Jarcelino at Mike Nzeusseu na pare-parehong may 11 markers at pinagsama-samang 24 boards.

Nalaglag ang Stags sa 7-7.

Sa unang laro, binomba ng Jose Rizal University ang University of Perpetual Help System Dalta, 85-52 para masolo ang ikatlong puwesto.

Sa likod nina MJ dela Virgen, Cameroonian Abdel Poutouochi at Jed Mendoza, naitala ng Heavy Bombers ang ikawalong panalo para mapatatag ang kapit sa No. 3 spot tangan ang 8-6 marka.

Dahil sa panalo, lumakas ang tsansa ng Jose Rizal para sa dalawang nalalabing tiket sa semis.

Nauna nang nakuha ng Lyceum at nagdedepensang San Beda ang unang dalawang silya sa semis kasama pa ang twice-to-beat card.

Sa ikalawang laro, umasa ang Letran sa career game na 27 points ni Bong Quinto para lusutan ang Emilio Aguinaldo College, 84-78.

Show comments