NAASCU: Enderun, PCU lusot sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Pinatumba ng Enderun College ang Rizal Technological University, 85-81 habang dinurog ng Philippine Christian University ang Manuel Luis Quezon University, 89-70 papasok sa quarterfinals ng NAASCU Season 17 men’s basketball tournament sa San Andres Sports Complex sa Malate.
Nagtuwang sina Michael Louise de la Cruz, Serge Wabo Captue at John Vidal para sa panalo ng Titans laban sa Thunder at itakda ang kanilang quarterfinal showdown ng Group A top notcher St. Clare College-Caloocan, ang nagdedepensang kampeon sa torneo.
Kumamada si De la Cruz ng 20 puntos at humakot si Wabo Captue ng 17 puntos at 16 rebounds, habang nagdagdag si Vidal ng 14 puntos para sa Enderun, naghulog ng 11-0 bomba sa pagsisimula ng fourth quarter para iwanan ang RTU sa 67-60 mula 56-60 pagkakaiwan.
Tumirada si De la Cruz ng limang puntos, kabilang ang three-point shot, sa nasabing arangkada ng Global City-based Titans.
Sa ikalawang laro, bahagya lamang na pinagpawisan ang PCU bago tuluyang walisin ang MLQU at umabante sa quarterfinals katapat ang Group B runner-up Colegio de San Lorenzo.
Sumandal ang Dolphins ni coach Elvis Tolentino sa high-scoring trio nina Mike Ayonayon (26 points, 5 rebounds), Yves Sason (24 points, 7 rebounds) at Von Tambeling (15 points, 7 rebounds) upang sungkitin ang panalo.
Naging malaking bentahe para sa PCU ang kanilang 53 rebounds laban sa 33 rebounds lamang ng MLQU.
Ang St. Clare at CdSL ay kapwa may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage laban sa Enderun at PCU sa quarterfinals.
- Latest