MANILA, Philippines — Pangarap nina Raphael Ticatic at Windale Simba, parehong elementary student ng Tunasan Elementary School sa Muntinlupa City, na magkaroon ng magandang kinabukasan.
At ang sports ang isa sa kanilang mga napiling paraan para matupad ito.
Tig-dalawang gintong medalya ang inangkin ni Ticatic sa elementary boy’s 800-meter at 1,500-meter run at ni Simba sa boys’ javelin throw at shot put sa 2017 Milo Little Olympics National Capital Region Leg sa Marikina Sports Park sa Marikina City.
Ito ang unang pagkakataon na lumahok ang 11--anyos na si Ticatic sa nasabing taunang sports event para sa mga student/athletes na nasa elementary at secondary levels.
“Kahit na first time ko lang pong sumali rito sa Milo Little Olympics, talagang gusto ko pong manalo ng gold,” sabi ng Grade 6 student sa Tunasan Elementary School na ipinagmalaki ang suot na dalawang gintong medalya sa kanyang leeg.
Anak ng isang construction worker at walang trabahong ina, pangarap ni Ticatic na maging isang arkitekto.
“Sana po sa tulong ng sports makakuha ako ng scholarship para makapag-aral po ako sa college,” wika ng bunso sa limang magkakapatid.
Isa namang scholar ang 11-anyos na si Simba sa Tunasan Elementary School at planong maging pulis sa hangaring makatulong sa pagsugpo sa kriminalidad.
“Gusto ko pong maging pulis para malabanan po ‘yong masasamang tao,” sabi ng Grade 5 student, ang ama ay isang assistant sa junk shop at ang ina ay nag-aalaga sa tatlo pa niyang kapatid.
Sa kanyang murang edad ay alam na ni Simba ang magandang maidudulot ng pagsabak niya sa sports.
“Nakakatulong po ang sports para magkaroon tayo ng disiplina, ng respeto sa mga kalaban natin at pagkakaisa sa team po,” wika ni Simba, humataw ng gold medals sa javelin throw, shot put at discuss throw noong 2016 Milo Little Olympics NCR Leg.
Huwag tayong magulat kung isang araw ay isa sina Ticatic at Simba sa mga national athetes na makapagbigay ng gintong medalya sa bansa sa mga international competitions kagaya ng Southeast Asian Games, Asian Games at Olympic Games.
“Iyon po ang isa sa mga pangarap ko, ang makakuha ng gold medal sa Olympics,” sabi ni Simba.