MANILA, Philippines — Babanderahan ni 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang kampanya ng Pilipinas para sa Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) na nakatakda sa Setyembre 15-25 sa Ashgabat,Turkmenistan.
Isang linggo bago bumiyahe ang 104-man Philippine delegation ay inaasahang makukuha ng 26-anyos na si Diaz ang kanyang tamang timbang sa pagsabak sa women’s weightlifting event.
Sinabi ng tubong Zamboanga City na bahagi ng hamon para sa isang pambansang atleta ang pagkuha ng tamang timbang.
Sobra sa tatlong kilo sa weight limit sa 53 kilograms ang bigat ni Diaz.
Inangkin ni Diaz, miyembro ng Philippine Air Force, ang silver medal sa 53 kg class noong 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Hindi siya nakapag-uwi ng anumang medalya sa nilahukan niyang Olympics noong 2008 sa Beijing at noong 2012 sa London kung saan siya sumabak sa 58 kg. weight class.
Patuloy ang ginagawang pagsasanay ni Diaz sa Rizal Memorial Sports Complex kasabay ng kanyang pag-aaral sa College of St. Benilde.
Sa weightlifting, ang mga kalahok ay tinitimbang dalawang oras bago ang kompetisyon.
Kabilang sa mga inaasahang makakaagawan ni Diaz sa gintong medalya ay mula sa China, Chinese Taipei, Korea at Thailand.
Ang weighlifter ng Chinese Taipei ay nanalo ng gold medal noong 2016 Rio Olympics, habang napasakamay ng South Korean ang bronze medal.
Binigyan ng mga opisyales ng St. Benilde sina Diaz at taekwondo jin Kirstie Elaine Alora ng isang sendoff kahapon.
Hangad ni Alora, kumampanya noong 2016 Olympics, na makakolekta ng gold medal matapos mabigo sa nakaraang 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang 24-anyos na si Alora ay isang three-time gold medalist sa SEA Games.
Noong 2013 AIMAG na idinaos sa Incheon, South Korea ay sinikwat nina Jerald Jamili at Cherry Clarice Rarcon ang gold medal sa dancesport (Latin-Joeve) at kumuha ng tansong medalya sa Latin-Five Dances.
Tumumbok naman si Rubilen Amit ng bronze medal sa nilahukang 10-ball singles noong 2015 AIMAG.