4 ginto pa sa Team Phl

Sina Rubilen Amit at Chezka Centeno na sumikwat ng gold, silver sa billiard competition sa 29th SEA Games. Jun Mendoza

KUALA LUMPUR - Kahit sa matumal na araw, nakasungkit pa rin ang Team Philippines ng apat na gintong medalya mula sa billiards, taekwondo at judo na may kasamang tatlo ring pilak at tatlong tanso sa ika-siyam na araw sa 29th Southeast Asian Games dito.

Sa muli nilang pagkikita sa all-Filipina finals, naulit ang 1-2 fi­nish nina Cheska Centeno at Rubilen Amit sa  wo­men’s 9-ball singles event ng billiards sa KL Convention Center.

Ito na ang ikalawang sunod na 1-2 finish nina Centeno at Amit sa nasabing event, ang una ay noong 2015 sa Singapore.

“Di ko akalain na mananalo ako kasi noon na miss-ball ko yong 3-ball (in the 12th frame) sabi ko talo na ako. Sobrang saya ko po,” sabi ng 19-anyos na si Centeno sa kanyang 7-6 panalo laban kay Amit sa finals.

Tinumbok naman ni Carlo Biado ang ginto nang igupo si Duong Quoc Hoang ng Vietnam, 9-5 sa finals ng men’s 9-ball singles event.

Ang iba pang nakakuha ng gintong medalya ay sina Samuel Thomas Morrison matapos manalo kay Ardian Prayogo Dinggo ng Indonesia sa finals ng men’s kyorugi 74-kgs. ca­tegory ng taekwondo at Mariya Takahashi na nagwagi laban kay Surattana Thongsri ng Thailand sa finals ng women’s under 70kg ng judo.

Bukod sa ginto ni Centeno, nakuha rin ni Amit ang silver medal sa 9-ball singles ng billiards at Michael Martinez sa men’s individual free skating ng ice skating event.

 Ang ikatlong silver ay mula kay Arven Alcantara sa men’s kyorugi 68-kgs. ng taekwondo.

Sina Elmer Abatayo sa men’s singles ng lawn bowls  at sina Villena E­mer­son at Tayong Lester sa men’s international 470-m sa sailing event ay nag-uwi rin ng tanso.

Sa gymnastics, pumapangatlo sina Jean Caluscusin, Al  Melgar, Nicole Medina, Shieldannah Sabio at Katrina Loretizo sa women’s  rythmic all around group single apparatus.

“Nanggigil po ako nang matalo si Arven (Alcantara) kaya sinabi ko babawi ako sa kanya,” sabi ng Olongapo-City born jin na si Morrison pagkatapos ng laban.

Nanatili pa rin ang Pilipinas sa pang-anim na puwesto sa 22-27-51 gold-silver-bronze haul habang nangunguna pa rin ang host Malaysia sa 89-61-58 at sumunod naman ang Vietnam sa 50-36-43. Pumapangatlo ang Thailand (48-67-65), Singapore (47-40-55), Indonesia (31-44-56), Myanmar (7-8-16), Laos (1-3-8), Cambodia (1-0-9), Brunei (0-4-7).

Nagkaroon din ng ka­lungkutan ang Team Phi­lippines sa talo ng national women’s volleyball team sa Vietnam, 27-25, 22-25, 20-25, 21-25 sa bronze medal match sa MITEC Hall 11.

Matapos makuha ang unang set, nawalan ng kontrol sina Jaja Santiago, Alyssa Valdez at Jovelyn Gonzaga sa susunod na tatlong sets dahilan sa kabiguang tumuntong sa podium.

Show comments