MANILA, Philippines - Pormal nang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa 2017 Southeast Asian Games kahapon sa flag-raising ceremonies sa Kuala Lumpur Sports City sa Malaysia.
Simbolo ito ng mainit na pagtanggap ng Malaysia sa mga delegado ng Pilipinas na sasabak sa biennial meet.
Dinaluhan ang programa nina Philippine Team administrator Rowena Eustuya na siyang kinatawan ni Philippine chef de mission Cynthia Carrion kasama si Philippine Olympic Committee (POC) executive assistant Gina Calaguas.
Dumating din ang mga Philippine Embassy officials sa pangunguna nina attache Emryss Esparto at Consul Johann Veronica Andal na kinatawan naman ni Ambassador Charles Jose.
Isa-isang tinawag ang mga bansang kasapi ng Southeast Asian Games Federation Council kung saan pinatugtog ang national anthem ng bawat bansa habang isa-isang itinataas ang bandila.
Dumalo sa seremonya sina Malaysian Deputy Minister for Youth and Sports Dato’ M. Saravanan.
Lalahok ang Pilipinas sa 37 sports na lalaruin sa edisyong ito kung saan umaasa ang pambansang koponan na malampasan ang 29 ginto, 36 pilak at 66 tansong nakamit noong 2015 Singapore Games.