Gilas vs China sa FIBA Asia opening

MANILA, Philippines - Pangungunahan ni six-foot-4 do-it-all guard Guo Ailun, miyembro ng Mythical Five sa Changsha FIBA Asia Championship, ang China team na maglalaro nang wala ang mga higanteng sina Yi Jianlian at Zhou Qi para sa kanilang title defense sa FIBA Asia Cup na magsisimula sa Martes sa Lebanon.

Sina 6'9 forward Zhou Peng, 6'5 guard Li Gen at 7'2 center Li Muhao ang iba pang Asia Cup veterans sa Chinese squad na unang makakasagupa ng Gilas Pilipinas sa Miyerkules.

Ang koponan ay kukum­pletuhin nina Liu Xiaoyu, Gu Quan, Yu Dehao, Ren Junfei, Hu Jinqiu, Zeng Lingxu, Wu Qian at Han Dejun at igigiya  ni coach Du Feng.

Kasama ng China sa group play ang Pilipinas, Qatar at Iraq.

Ang top team sa bawat grupo ay awtomatikong aabante sa quarterfinals, habang ang second at third teams ay papasok sa Final Eight.

Sina Yi, isang five-year NBA veteran na naglaro para sa Milwaukee, New Jersey, Washington at Dallas at Zhou, ang 43rd pick ng Houston Rockets sa 2016 NBA Draft, ay wala sa Chinese roster.

Ngunit maaari silang isama para sa FIBA Asia World Cup qualifiers.

Samantala, muli namang ibabalik ng Qatar ang lima nilang Changsha veterans sa Lebanon kung saan itatampok ng koponan ang US-trained na si 6'10 center forward Nasser Al-Rayes.

Si Al-Rayes ay isang three-sport star athlete sa CalTech kung saan siya naglalaro ng basketball, volleyball at track and field.

Nakamit niya ang Coach’s Choice Award sa basketball sa kanyang sophomore year na nagtampok sa kanyang mga averages na 19 points, 13 rebounds at  3.5 blocks para sa CalTech Beavers.

Inaasahang malaking karagdagan si Al-Rayes sa tropa ni coach Kousay Hatem Khalaf na sasandal din kina veterans Abdelrahman Abdelhaleem, Mohamed Mohamed, Mohd Mohmmed, Abdulrahman Mohamed Saad at Ali Saeed Erfan.

Sina Abdulrahman Ibrahim Al-Muftah, Omer Salem, Ahmad Yousif Al-Darwish, Mohamed Abdelaziz Abdelkawy at Mansour Atif Elhadary ang kukumpleto sa Qatar roster.

Wala na sa koponan si naturalized player Clinton Johnson, ang kanilang top scorer at playmaker sa Changsha.

Show comments