Pinoy mixed martial artist patay matapos mabundol
MANILA, Philippines - Kasalukuyan ngayong nagdadalamhati ang mixed martial arts world.
Ito ay matapos masawi sa isang road accident si ONE Championship (ONE) Filipino bantamweight Rocky “The Outlaw” Batolbatol noong Linggo sa Cagayan de Oro.
Nakatakda sanang lumaban ang 32-anyos na si Batolbatol sa inaugural event ng ONE Championship sa Surabaya, Indonesia, ngunit nakansela ang nasabing event.
Si Batolbatol ay naging bahagi ng ONE Championship noong 2014 kung saan siya napanood sa tatlong maaksyong laban.
Siya ay dating professional boxer na lumipat sa mixed martial arts.
Huling lumaban si Batolbatol, nagtala ng 5-3 record, sa ONE Championship noong Mayo ng 2016 sa kanyang pagsagupa kay Singaporean prospect Christian Lee.
Sa report ng Cagayan de Oro City Police Office, sinasabing naglalakad si Batolbatol kasama ang pinsan niyang si Geinar Ponce sa Gusa Highway nang aksidenteng mabundol ng taxi na minamaneho ni Jerson Bersabal.
Bagama’t nangyari ang aksidente sa harap ng Capitol University Medical Hospital, isang private hospital, ay dinala sina Batolbatol at Ponce sa J.R. Borja public hospital na limang kilometro ang layo sa pinangyarihan.
Sina Batolbatol at Ponce ay kapwa idineklarang Dead-on-Arrival.
- Latest