MANILA, Philippines - Dalawang panalo ang inilista nina Alexie Jarata at Laurenz Quitara sa kanilang mga dibisyon at nagdagdag ng isang tig-isang doubles crown para sa pagdomina sa Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala Sta. Rosa leg regional age group tennis tournament kahapon sa Sta. Rosa Sports Tennis Courts.
Tinalo ni Jarata si top seed Kean Enriquez, 4-2, 0-4, 5-3, 10-unisex finals bago isinunod ng tubong Agoo, La Union si Melody Dizon, 6-2, 6-3, para sa girls’ 12-U title sa Group 2 tournament na inihandog ng Slazenger.
Dinaig naman ni Quitara si Tim Gumban, 5-7, 6-1, 10-4, para kunin ang boys’ 16-U title at ipinoste ng pambato ng Imus, Cavite ang 6-4, 4-1(ret.) panalo sa kanyang doubles partner sa 16-U finals.
Nakipagtambal si Jarata kay Enriquez para biguin ang magkapatid na France at Frank Dilao, 8-3, at pitasin ang 10-U doubles crown.
Nagtambal naman sina Quitara at Gumban sa paggiba kina Jon Gabayan at Piolo Piaduche, 8-4, para sa 18-U doubles title sa event na itinataguyod ng Palawan Express sa pangunguna ni president/CEO Bobby Castro at sinusuportahan nina Rep. Arlene Arcillas, Mayor Dan Fernandez, Councilor Ina Cartagena, GSO head Celso Catindig at Sports Department head Roy Lazaga.
Samantala, pinatumba nina Marc Jarata at Bea Acena sina Samuel Nuguit, 2-6, 6-1, 10-3, para sa boys’ 12-U plum at Nicos Ison, 6-2, 6-3, sa 14-U finals, ayon sa pagkakasunod.
Pinahiya ni Acena ang kapatid niyang si Renee Acea, 6-3, 6-0, at 6-1, 6-2, para walisin ang girls’ 16- at 18-U crowns, habang tinalo ni Nina Sandejas si top seed Melody Dizon, 6-1, 6-0, para sa girls’ 14-U diadem.
Ang iba pang doubles winners ay sina Andrea Alonte at Rocel Ann Ravino (girls’ 18-U), Dizon at Shaira Silva (girls’ 14-U title) at Samuel at Shant Nuguit (boys’ 14-U).
Dadalhin ang torneo sa Dasmariñas, Cavite para sa PPS-PEPP Orchard leg tournament, isa pang Group 2 event, sa Orchard Golf and Country Club sa Hulyo 27-31.
Kasalukuyan nang nagaganap ang pagpapalista.
Para sa mga detalye ay maaaring tumawag kay PPS-PEPP sports program development director Bobby Mangunay sa 0915-4046464.