MANILA, Philippines - Mayroong kabuuang 16 qualifying legs sa buong bansa ang gaganapin sa paglarga sa 41st Milo National Marathon ngayong Linggo sa Urdaneta, Pangasinan.
Pagkatapos ng 16-leg qualifying, idaraos naman ang National Finals sa Cebu City sa Disyembre 3 kung saan target ni Olympian marathoner Mary Joy Tabal ang makasaysayang ika-limang sunod na titulo sa taunang Milo National Marathon.
Tiyak na paghahandaan ng husto ng 27-anyos na si Tabal, ang kauna-unahang babae na nakapagtala ng apat na sunod na korona dahil sa kanyang lugar mismo sa Cebu City mangyayari ang bihirang pagkakataon.
Sisimulan ni Tabal ang paghahanda para sa Milo marathon pagkatapos ng 29th Southeast Asian Games kung saan ibinalik siya bilang miyembro ng national athletics team na sasabak sa Kuala Lumpur, Malaysia ngayong Agosto 19-30.
Si Tabal na ipinanganak sa Barangay Guba, Cebu City sa ngayon ay nasa Italy para sa kanyang paghahanda sa darating na SEA Games kung saan hangad niyang malampasan ang silver medal finish noong 2015 sa Singapore.
Inaasahan din ni Milo Sports Executive Robbie De Vera ang mahigit 10,000 runners sa first qualifying leg sa Pangasinan at ito ay susundan sa second leg sa Laoag City sa Hulyo 23 bago ang Metro Manila 3rd leg sa Hulyo 30.