MANILA, Philippines - Iginupo ng Perlas Spikers ang Adamson University, 25-18, 25-16, 21-25, 25-21, upang sumampa sa winner’s column ng Premier Volleyball League Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Kumuha ng lakas ang Perlas Spikers kay dating University of the Philippines skipper Katherine Bersola na nagrehistro ng 13 puntos mula sa 9 attacks, 3 blocks at 1 ace.
“We just enjoyed the game. It showed how we really wanted this game. Pero kailangan pa naming i-improve ‘yung communication namin and defense namin,” ani Bersola na kamakailan lamang ay nagtapos bilang Summa Cum Laude sa UP.
Nakatuwang nito si Nicole Tiamzon at Amy Ahomiro na pumuntos ng mahahalagang attacks at aces sa huling sandali ng laro, habang naasahan naman sa depensa si Gizelle Tan na may 23 digs at 11 receptions.
Umangat ang Perlas sa 1-2 rekord habang lumasap ng ikalawang sunod na kabiguan ang Lady Falcons para manatili sa ilalim ng standings.
Nasayang ang pinaghirapan nina Adamson open hitters Jema Galanza at May Roque, at opposite spiker at Christine Soyud na dating manlalaro ng De La Salle University Lady Spikers.
Sa men’s division, mabilis na dinispatsa ng Mega Builders ang Gamboa Coffee Mix sa pamamagitan ng 25-23, 25-11, 25-16 pagbomba upang masolo ang liderato tangan ang malinis na 3-0 baraha.
Nagsilbing lakas ng Mega Builders sina National University standouts Kim Malabunga at Fauzi Ismail na may pinagsamang 22 puntos, habang nagdagdag ng pito si Madzlan Gampong at anim naman si James Natividad.
Nalaglag ang Coffee Mix sa 0-2 rekord kung saan walang manlalaro nito ang umabot sa double digits. Tanging walo lamang ang nagawa ni Philip Bagalay at anim si Sam Damian.
Dinungisan naman ng Philippine Army ang rekord ng Philippine Air Force sa bisa ng 25-20, 23-25, 17-25, 25-22, 16-14 panalo tampok ang 20 puntos na produksyon ni Ben Labide.
Umangat sa 1-1 ang Troopers, samantalang bagsak sa 2-1 ang Jet Spikers.