Pacquiao sa WBO: ‘Di patas na desisyon ng judges suriin uli
MANILA, Philippines - Hinikayat ni boxing icon Manny Pacquiao ang World Boxing Organization na suriin muli ang naging “unfair” decision ng tatlong hurado sa nakaraang WBO world welterweight title fight nina Jeff Horn noong Linggo sa Brisbane, Australia.
Iniendorso ng 8-division world champion na si Pacquiao ang naunang panawagan ng Games and Amusements Board (GAB) kay WBO president Francisco Valcarcel sa pag-review sa desisyon ng mga judges na sina Walesa Roldan (117-111), Ramon Cerdan (115-113) at Chris Flores (115-113) sa nasabing laban na pabor sa Australyanong si Horn na nagresulta sa unanimous decision.
“I love boxing and I don’t wanna see it dying because of unfair decision and officiating,” sabi ng 38-anyos na si Pacquiao sa isang wire report.
“I had already accepted the decision but as a leader and at the same time, fighter I have the moral obligation to uphold sportsmanship, truth and fairness in the eyes of the public,” dagdag ng tubong Gen-Santos City na si Pacquiao.
Nauna na ring sinabi ng kasalukuyang miyembro ng Philippine Senate na handa na siya sa isang rematch nila ni Horn kaya wala pa sa kanyang isip ang pagreretiro kahit pa umabot na sa mahigit 22-taon na ang kanyang professional boxing career.
Matatandaan na nanawagan din ang GAB sa pangunguna ni chairman Abraham Kahlil B. Mitra na suriin muli ang desisyon ng tatlong hurado pati na sa Amerikanong referee na si Mark Nelson kamakalawa.
Sinabi na rin ng WBO noong Martes na hindi puwedeng baguhin ng WBO ang desisyon ng referee at mga judges bukod lang kung may nangyayaring panloloko at paglabag sa batas.
- Latest