Lumangoy ng tig-5 ginto: Cuyong, Evangelista nanalasa sa pool
MANILA, Philippines - Matikas ang ratsada nina Lucio Cuyong at Aishel Cid Evangelista nang umariba ang mga ito ng limang gintong medalya sa 115th Philippine Swimming League (PSL) National Series - 2nd Gov. Miraflores Swim Cup na ginaganap sa Makato Sports Complex sa Kalibo, Aklan.
Namayagpag ang Indian Ocean-All Star Challenge gold medalist na si Cuyong sa boys’ 13-year category kung saan naghari ito sa 200m Individual Medley, 50m butterfly, 50m breaststroke, 50m backstroke at 50m freestyle.
Hindi naman nagpahuli si Evangelista na umukit ng gintong medalya sa boys’ 7-year 200m Individual Medley, 50m butterfly, 50m breaststroke, 50m backstroke at 50m freestyle.
Nakumpleto rin nina veteran international campaigners Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque, Marc Bryan Dula ng Wisenheimer Academy at Kyla Soguilon ng Kalibo Sun Yat Sen ang matamis na sweep sa kani-kanilang kategorya.
Nanguna si Mojdeh sa girls’ 10-year 200m Individual Medley, 50m butterfly, 50m breaststroke, 50m backstroke at 50m freestyle habang naghari si Dula sa boys’ 10-year 200m Individual Medley, 50m butterfly, 50m breaststroke, 50m backstroke at 50m freestyle.
Wala ring nakapigil kay two-time Palarong Pambansa Most Outstanding Swimmer awardee Soguilon na nagreyna sa 200m Individual Medley, 50m butterfly, 50m breaststroke, 50m backstroke at 50m freestyle sa girls’ 12-year ng torneo.
Nakasiguro rin ng gintong medalya sina Azryle Garcia, Johan Gomez, Lord Janda, Marie Joe Borres, Remogenes Sobretodo, Ony Valencia, Kobe Soguilon, Asha Segotier at Jhoey Gallardo.
Ang iba pang gold winners ay sina Master Charles Janda, Joanna Amor Cervas, Angela Figalan, Riandrea Chico, Roselle Palma, Kate Roberto, Laila Enero, Jennuel Booh De Leon, Lowestein Julian Lazaro.
“Our focus right now is to select swimmers for international competitions. It’s we want these young kids to experience donning the national colors in an international event. Winning gold medal abroad is way higher than winning a medal in any local competition,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
Layunin ng torneo na makapili ng mga swimmers na ipadadala sa international competitions na lalahukan ng PSL sa Singapore, Japan at United Arab Emirates gayundin sa prestihiyosong 2017 Summer World University Games sa New Taipei City sa Agosto.
- Latest