Blatche kaagad sumabak sa ensayo ng Gilas Pilipinas
Kagagaling lang mula sa pagbabakasyon sa Atlanta
MANILA, Philippines - Tiyak na napawi na ang agam-agam ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes tungkol kay naturalized player Andray Blatche.
Kahapon ng umaga ay dumating sa bansa ang 6-foot-10 na si Blatche mula sa Atlanta, USA at kaagad na sumama sa ensayo ng Gilas Pilipinas sa Meralco Gym.
Kamakailan ay ikinainis ni Reyes ang kabiguan ng NBA veteran na dumating nang mas maaga para sa paghahanda ng Nationals sa darating na Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Men’s Championships na nakatakda sa Mayo 12-18 sa Smart Araneta Coliseum.
Inisip na ni Reyes na tapikin si Blackwater import Greg Smith para maging ikalawang naturalized player ng Gilas Pilipinas.
Sa pagdating ni Blatche ay nawala na ang hinanakit ni Reyes sa dating forward ng Brooklyn Nets sa NBA.
Inihayag ni Reyes ang twice-a-day practice na gagawin ng Nationals simula ngayon para paghandaang mabuti ang SEABA.
Ang magkakampeon sa nasabing torneo ang maglalaro sa FIBA Asia qualifier na gagawin sa Beirut sa Agosto 10-20.
Unang makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Myanmar sa pagbubukas ng SEABA.
Sa mga kasali sa SEABA ay ang Indonesia ang lubos na tinututukan ng Gilas Pilipinas.
Ipaparada ng Indonesia ang kanilang naturtalized player na si Jamarr Johnson ng Widener University.
Ang 6-foot-5 na si Johnson ay kinilalang Rookie of the Year at Most Valuable Player sa regular season at playoffs ng Indonesian league.
- Latest