MANILA, Philippines - Iginupo nina Cherry Ann Rondina at Bernadeth Pons ng Petron Sprint 4T sina Fiola Ceballos at Patty Orendain ng Generika A, 21-12, 21-18, para kubrahin ang kampeonato sa 2017 Belo Philippine Superliga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup kagabi sa SM By the Bay sa Mall of Asia sa Pasay City.
Nakausad sa finals sina Rondina at Pons nang payukuin sina Frances Molina at Bang Pineda ng Petron XCS gayundin sina Mylene Paat at Janine Marciano ng Cignal B sa quarterfinals.
Nanaig sina Ceballos at Orendain kina Danika Gendrauli at Jacquelyn Estoquia ng Sta. Lucia sa semis at kina Bianca Tripoli at Marijo Medalla ng Perpetual Help sa Round-of-8.
Nagkasya naman sa fifth place sina Jovelyn Gonzaga at Maica Morada ng Cignal HD A nang talunin sina Paat at Marciano ng Cignal HD B, 21-15, 26-28, 15-11, habang ikapito sina Bianca Tripoli at Marijo Medalla ng Perpetual Help na namayani kina Wensh Tiu at Abie Naval ng Cocolife sa kani-kanilang classification round.
Samantala, matinding puwersa ang inilatag nina Anthony Arbastro at Calvin Sarte ng Generika-Ayala upang gapiin sina EJ Ramos at Edmar Bonono ng Cignal HD, 21-17, 21-18, at matamis na angkinin ang korona sa men’s division.
Nakumpleto nina Arbastro at Sarte ang seven-game sweep sa torneo.
“They (Cignal) were ahead in the first set but we didn’t panic. We just played good defense and enjoyed the game to make it a fun game,” wika ni Arbastro.
Ito ang unang pagkakataon na naging magkapares sina Arbastro at Sarte ngunit hindi kinakitaan ng pagkailang ang dalawang manlalaro na naglatag ng malulupit na atake.
Orihinal na kapares ni Arbastro si Kris Roy Guzman subalit nagpasya itong lumiban upang pagtuunan ang kanyang pag-aaral sa University of Santo Tomas.
“We trained only for three days prior this tournament. Since I came from Davao, we didn’t have much time to work together. Fortunately, we got this win,” sambit ni Sarte na isang Marketing Management major sa Holy Cross University.