Laro sa Martes (The Arena)
1 p.m. Cignal vs Café Lupe (Men’s)
4 p.m. Pocari Sweat vs Perlas (women’s)
6:30 p.m. Power Smashers vs Creamline (women’s)
MANILA, Philippines - Naitakas ng Perlas ang pahirapang 29-31, 24-26, 25-19, 25-23, 21-19 panalo laban sa Power Smashers upang masolo ang ikalawang puwesto sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sumulong ang Lady Spikers sa 2-1 para sa No. 2 spot.
Nauna nang iginupo ng Perlas ang paboritong Creamline sa kanilang unang laro bago yumuko sa Phl Air Force sa kanilang sumunod na asignatura.
Bumagsak sa 1-2 ang Power Smashers para saluhan ang Lady Jet Spikers na may parehong rekord.
Nasa unahan naman ang BaliPure na may imakuladang 3-0 marka.
Nanguna sa atake ng Lady Spikers si dating University of the Philippines standout Kathy Bersola na may 13 attack points at limang blocks habang naramdaman din ang lakas ni dating Adamson player Amanda Villanueva na may 18 markers kasama ang 14 digs.
Sa Spikers’ Turf, nasungkit ng Philippine Army ang ikalawang sunod na panalo matapos payukuin ang Café Lupe sa pamamagitan ng 25-20, 25-18, 25-19 desisyon.
Sumalo ang Troopers sa unahan ng standings kasama ang Sta. Elena tangan ang malinis na 2-0 kartada sa torneong suportado ng Mikasa at Asics.
Nanguna para sa Troopers sina skipper Benjaylo Labide, Michael Reyes at Jayvee Sumagaysay na may tig-walong puntos.
Nakalikom ang Troopers ng 26 puntos mula sa attack line kumpara sa 21 lamang ng Sunrisers.
Umani rin ng 9-5 bentahe sa blocks ang Army sa 62 minutong paglalaro.
Sumandal naman ang Café Lupe kina Joshua Barrica at Kevin Liberato na may pinagsamang 17 puntos subalit hindi ito sapat para dalhin ang kanilang tropa sa unang panalo.
Laglag sa 0-2 ang Cafe Lupe.