Zubiri itinalagang Philsoc chairman
MANILA, Philippines - Itinalaga si Sen. Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri bilang chaiman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Philsoc) na siyang mangangalaga sa pagtataguyod ng bansa ng 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Kinumpirma ito ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa pamamagitan nina Special Assistant to the President Christopher Go at Executive Secretary Salvador Medialdea.
“The role of Zubiri is to represent the President,” wika ni Ramirez.
Inaasahang makikipagpulong si Zubiri sa mga opisyales ng PSC sa pangunguna ni Ramirez at mga commissioners nito at sa Philippine Olympic Committee (POC) na hinahawakan naman ni Jose ‘Peping’ Cojuangco Jr.
Partikular na pagpupulungan ang pagbuo sa kumite na hahawak sa iba’t ibang aspeto ng SEA Games gaya ng venues, security, accommodation at ang inaabangang opening at closing ceremonies.
Tututukan din ang paghahanda ng mga atleta dahil target ng Pilipinas na muling masungkit ang pangkalahatang kampeonato sa SEA Games.
Magugunitang nasikwat ng bansa ang overall title noong 2005 edisyon na ginanap sa Pilipinas.
Tiniyak ni Ramirez na ibubuhos ng gobyerno ang buong suporta nito para maitanghal ng matagumpay ang naturang biennial meet na inaasahang dadaluhan ng mahigit 10,000 atleta at opisyales mula sa 11 bansang kasapi.
Idaraan ang suportang pinansiyal ng gobyerno sa PSC na siyang magbabantay sa tamang pagastos sa pondo tulad ng pagsasaayos ng mga gagamiting venues.
Sanay na si Ramirez sa ganitong sitwasyon dahil tumayo na itong Chef de Mission ng pambansang delegasyon noong 2005 Manila Games.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na tatayong host ang Pilipinas sa SEAG. - CCo
- Latest