Simula na ang matinding paluan

PSL beach volley challenge cup

MANILA, Philippines -  Simula na ngayong araw ang mainit na paluan sa 2017 Belo Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup na gaganapin sa SM By the Bay sa Mall of Asia sa Pasay City.

Magsasanib-puwersa sina Bernadeth Pons ng FEU at Sisi Rondina ng UST para dalhin ang Petron Sprint 4T laban kina dating La Salle stalwarts Cyd Demecillo at Fritz Gallenero ng F2 Logistics A sa alas-8 ng gabi.

“Medyo famillar na po kami sa isa’t isa kasi for the past three years palagi kaming magkakalaban sa UAAP. Mabuti na lang at familiar kami sa kanila. At least alam na namin kung papano kami mananalo,” ani Rondina.

Papalo naman sina Jovelyn Gonzaga at Maica Morada ng Cignal A kontra kina Generika-Ayala B bets Rosalie Pepito at Kat Arado sa alas-7 ng gabi habang masisilayan din ang pukpukan nina Kathleen Barri­nuevo at Cherilyn Sindayen ng Foton laban kina Ces Molina at Bang Pineda ng Petron XCS sa alas-6.

“Everybody improved. I will try my best to be play with extreme caution because everybody is out to win the title,” ani Gonzaga na ipagtatanggol ang kaniyang korona kasama ang bagong kapares.

Noong nakaraang taon, nagkampeon si Gonzaga kasama si Nerissa Bautista bitbit ang RC Cola-Army.

Sisikad din ang laro sa pagitan nina Mylene Paat at Janine Marciano ng Cignal B nina Fiola Ceballos at Patty Orendain ng Generika-Ayala A sa alas-5, Cha Cruz at Aby Maraño ng F2 Logistics A laban kina Wensh Tiu at Abie Nuval ng Cocolife sa alas-4 at nina Marijo Medalla at Bianca Tripoli ng Perpetual Help laban sa Generika Ayala B sa alas-3.

Sa men’s side, magtutuos ang Wayuk at IEM A sa alas-7:30 ng umaga kasunod ang duwelo ng IEM B at SM By the Bay sa alas-8:20, Cignal HD at University of Perpetual Help B sa alas-9:10, Generika-Ayala at Wayuk sa alas-10, SM By the Bay at TVM sa alas-10:50 at Perpetual Help B at IEM A sa alas-11:40. 

Show comments