Palicte, Bacho sibak na
MANILA, Philippines - Nagwagi si Dannel Maamo laban kay Chang Yong ng China upang ipagpatuloy ang mithiin na medalya sa ASBC Asian Elite Championship na ginanap sa Uzbekistan National Sports Complex ng Tashkent, Uzbekistan.
Lumaban ng tod ang 20-anyos na si Maamo, tubong Cagayan de Oro City, sa pamamagitan ng left and right combination at umiilag sa malakas na mga suntok mula sa Chinese boxer.
Ngunit nagkaroon ng hindi naiwasang head butts sanhi ng malaking sugat sa right eyebrow ni Yong. Tumatagas na ang maraming dugo kaya hininto ni Iranian referee Farhad Sadeghpour ang kanilang laban mula naman sa suhestiyon ng ring physician sa ikalawang round ng flyweight division (52-kgs.).
Nang tingnan ng referee ang scorecards ng mga hurado para suriin kung sino ang lamang, naipanalo ng protegee ni CDO Mayor Oscar Moreno na si Maamo ang laban para umabante sa susunod na round.
Hindi naman pinalad sina first day winner James Palicte at welterweight Joel Bacho sa kanilang magkahiwalay na laban.
Yumuko si Palicte kay number 2 seed Elnur Abduraimov ng Uzbekistan sa kanilang lightweight bout via unanimous decision habang si Bacho ay natalo kay Sajjad Kazemzadeposhtiri ng Iran.
Magpapatuloy ang quarterfinal round na mayroon na lamang 20 bansa sa orihinal na 28 ang nanatiling may pag-asa kabilang na ang tatlong boxer mula sa ABAP team.
Ang matatalo sa quarterfinals ay lalaban sa huling dalawang slots para sa 2017 World Championships na gaganapin sa Hamburg, Germany sa Agosto 4.
Ang lahat ng makakapasok sa semifinal round ang susuntok sa championship sa nasabi ring buwan.