MANILA, Philippines - Naibulsa ni Mary Joy Baron ng De La Salle University ang MVP award sa women’s division habang nasungkit naman ni Marck Espejo ng Ateneo de Manila University ang ikaapat na sunod na men’s MVP trophy sa UAAP Season 79 volleyball tournament.
Si Baron ang unang La Salle player na nakasungkit ng MVP sapul noong Season 75 nang pagsaluhan nina Ara Galang at Aby Maraño ang naturang parangal.
Nasungkit din ni La Salle standout Kim Fajardo ang Best Setter at Best Server awards gayundin ang katropa nitong si Dawn Nicole Macandili na siyang pinangalanang Best Receiver.
Inaasahang mas magiging inspirado sina Baron, Fajardo at Macandili sa finals upang patunayan na karapat-dapat ang mga ito sa karangalang ibinigay sa kanila.
Kasalukuyang hawak ng La Salle ang 1-0 kalamangan laban sa Ateneo sa best-of-three championship series matapos kunin ang 21-25, 29-27, 25-22, 25-20 panalo sa Game 1 noong Martes.
Napasakamay naman ni National University middle hitter Jaja Santiago ang Best Scorer, Best Spiker at Best Blocker plums habang si Juliane Marie Samonte ng Ateneo ang ginawaran ng Rookie of the Year award.
Maliban sa MVP honors, pinangalanan ding Best Scorer at Best Spiker si Espejo.
Ang iba pang individual awardees sa men’s class ay sina Far Eastern University bets John Paul Bugaoan (Best Blocker) at Rikko Marius Marmeto (Best Receiver); NU players Bryan Bagunas (Best Server) at Ricky Marcos (Best Digger) at sina Ateneo mainstays Esmilzo Joner Polvorosa (Bets Setter) at Chumason Celistine Njigha (Rookie of the Year).
Tangan din ng Ateneo ang 1-0 bentahe kontra sa NU sa kanilang sariling best-of-three finals.
Naitakas ng Blue Eagles ang 25-22, 21-25, 22-25, 18-25, 15-13 panalo sa series opener laban sa Bulldogs.
Sa Sabado, lalaruin ang Game 2 ng Ateneo-NU sa alas-12 ng tanghali habang sasambulat naman ang Game 2 ng bakbakan ng La Salle at Ateneo sa alas-4 sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakdang igawad ang mga individual awards sa naturang araw sa alas-3 ng hapon.