MANILA, Philippines - Muling binigyan ng Philippine taekwondo athletes ang bansa ng karangalan.
Ito ay matapos kumolekta ang mga national taekwondo jins ng kabuuang 5 silvers at 3 bronze medals sa katatapos na Asian Junior Taekwondo Championships sa Atyrau, Kazakhstan.
Lumahok sa free sparring, kinuha ng Meralco/MVP Sports Foundation jins ang apat na silvers at isang bronze, samantalang kumolekta ang PLDT Home Ultera/MVP Sports Foundation team ng isang silver at dalawang bronzes sa poomsae (forms) event.
Ang pilak na medalya ay nagmula kina Carlo Dominic Dionisio, Rryshel Jasmine Ramirez, Beatrice Kassandra Gaerlan at Florence Mae Chavez at si Abigail Faye Valdez ang nag-ambag ng bronze sa free sparring competition.
Sa poomsae, inangkin ni Justin Kobe Macario ang freestyle individual men’s silver, habang sina Patrick King Perez, Justin Carlo Mendoza at Jessie Daniel Ignacio ang sumikwat sa men’s freestyle at sina Aidaine Krishia Laxa, Chelsea Xen Tacay, Jessie Daniel Ignacio, Justin Kobe Macario at Shane Jeremy Benavente ang nagbulsa sa freestyle team bronzes.
Tumapos ang mga Filipino lady jins sa fourth overall sa kabuuang 25 bansang lumahok, kabilang ang Korea, Iran at China.
Ang junior team ay sinuportahan ng Smart Communications Inc., Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Noong nakaraang buwan, nag-uwi ang Philippine taekwondo group ng 5 gold, 7 silver at 4 bronze medals sa 2017 ASEAN Championships na idinaos sa Perlis, Malaysia.