^

PSN Palaro

La Salle dumikit sa back-2-back

Chris Co - Pilipino Star Ngayon
La Salle dumikit sa back-2-back
Itinukod ni Gizelle Jessica Tan ng Ateneo ang kanyang kamay para mai-save ang bola laban sa La Salle sa Game 1 ng UAAP Finals.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines - Pinana ng nagdedepen­sang De La Salle University ang Ate­neo de Manila University sa pamamagitan ng 21-25, 29-27, 25-22, 25-20 desisyon upang ma­kuha ang Game 1 ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Inilatag ni playmaker Kim Fajardo ang kanyang husay kasama ang malalim na karanasan para makalikom ng 37 excellent sets kasama ang 10 puntos na tinampukan ng pitong aces para dalhin ang Lady Spikers sa 1-0 bentahe sa best-of-three championship series.

“Kailangang pagkatiwalaan ko muna yung sarili ko para madala ko yung team namin. Nara-rattle kami minsan kaya kailangan ko silang i-guide dahil ako yung sinusundan nila. Kami naman lalaruin lang namin kung anong team kami, play like a champion lang,” wika ni Fajardo.

Pinangunahan naman ni open hitter Ernestine Tiam­zon ang attack line matapos magpako ng 15 hits habang umariba rin ng 14 puntos si Season 78 Finals MVP Kim Kianna Dy para sa solidong opensa ng La Salle.

Nagdagdag pa ng 10 puntos si Desiree Cheng at pinagsamang 15 puntos sina middle hitters Mary Joy Baron at Aduke O­gunsanya.

Ramdam na ramdam din si libero Dawn Macandili na may 28 digs at 15 receptions.

Bumandera sa hanay ng Lady Eagles si Jhoana Maraguinot na may 16 puntos gayundin sina Bea De Leon na umukit ng 14 markers at Michelle Mo­rente na gumawa ng 11 kills.

Subalit hindi ito sapat para dalhin ang Ateneo sa panalo matapos makagawa ng 34 errors partikular na sa krusyal na sandali ng laro.

Lalaruin ang Game 2 sa Sabado sa parehong venue kung saan pakay ng La Salle na mahablot ang kanilang ika-10 titulo sa liga habang umaasa naman ang Ateneo na maipuwersa ang rubber match.

Nakatakda ring pa­nga­lanan ang mga individual awardees bago magsimula ang Game 2 kabilang na ang season MVP at Rookie of the Year.

Sa men’s division, lumapit sa inaasam na three-peat ang Ateneo matapos itakas ang 25-22, 21-25, 22-25, 18-25, 15-13 panalo laban sa National University sa Game 1 ng kanilang best-of-three championship series.

Nagpakawala si reig­ning MVP Marck Jesus Espejo ng 29 puntos mula sa 25 attacks, tatlong blocks at isang ace para hatakin ang Blue Eagles sa 1-0 lead.

“Alam namin na lalaban talaga ang NU dahil gusto nilang makabawi sa amin. Pero mas gusto lang talaga ng team namin na makuha ito,” wika ni Espejo.

Malakas ang suportang ibinigay ni opposite hitter Anthony Koyfman na umiskor ng 18 gayundin nina Joshua Villanueva at Rex Intal na may pinagsamang 25 puntos.

Nanguna si Ismail Fauzi para sa Bulldogs bitbit ang 22 puntos at Bryan Bagunas na may 19 puntos. 

UAAP

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with