MANILA, Philippines - Nagwagi si Mario “Jordan” Bautista kontra kay Sirozhiddin Abdullaev ng Kyrgistan, 5-0 para sa magandang simula ng ABAP national boxing team sa ASBC Asian Elite Men’s Championship na ginaganap sa Tashkent, Uzbekistan.
Dinomina ng 20-anyos na si Bautista, nakakabatang kapatid ni SEA Games at China Open gold medalist Ian Clark Bautista, ang kanilang bantamweight (56-kgs.) bout tungo sa malaking panalo ng 6-man RP boxing team.
Nagbitiw si Bautista ng left at right combination at counter punches para pabagsakin si Abdullaev sa ikalawang round para manalo sa score cards ng mga judges.
Susubukan naman ngayon ni Bautista ang No. 3 seed na si Kairat Yeraliyev ng Kazakhstan sa susunod na laban.
Nanalo rin ang lightweight na si James Palecti, na magdiriwang ng kanyang ika-23 kaarawan bukas kay Muhamad Bin Ahmad ng Singapore sa parehong 5-0 iskor.
Sa iba pang laban nagwagi rin ang welterweight na si Joel Bacho ng Mandaluyong kay Elmer Sakenov ng Kyrgistan, 4-1.
Mataas ang kumpiyansa ni Bacho, mag-aaral mula sa University of Baguio, na sumabak sa aksyon bunga ng kanyang nakuhang panalo laban kay Aristoidys Despaigne ng Cuba sa King’s Cup tournament na ginanap sa Thailand noong nakaraang buwan.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si ABAP president Ricky Vargas sa buwenamanong panalo ng mga Pinoy boxers at pinaalalahan ang buong koponan na huwag magkumpiyansa at magtiwala sa kanilang sarili.