NCR overall champion sa palarong pambansa
SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique , Philippines --Sa ikatlong sunod na taon ay muling kumolekta si National Capital Region superstar tanker Maurice Sacho Ilustre ng perpektong 7-of-7 gold medal sa secondary boys' swimming event sa pagtatapos ng 60th Palarong Pambansa kahapon dito sa Binirayan Sports Complex.
Dinomina ng reigning UAAP Most Valuable Player ang 100m freestyle, 200m freestyle, 400m freestyle, 400m freestyle relay, 100m butterfly, 200m butterfly at 4x100 meter freestyle.
“It feels really good. I was able to repeat it, seven out of seven,” sabi ng estudyante ng De La Salle-Zobel.
Sa kabuuan ay naglista ang 5-foot-10 na si Ilustre ng 21-of-21 gold medal sa nakaraang tatlong taon niyang paglangoy sa Palarong Pambansa.
Kumuha naman ng tig-anim na gold medals sa kanilang mga events sina NCR mermaid Nicole Pamintuan (100m freestyle, 200m freestyle, 100m backstroke, 200m medley relay, 400m freestyle relay at 4x100 freestyle) sa secondary girls' at Region VI star swimmer Kyla Soguilon (50m backstroke, 50m freestyle, 200m individual medley, 100m backstroke, 50m butterfly at 4x50m medley relay sa elementary girls.
Kumolekta ang mga Big City student/athletes ng 32 gold, 21 silver at 19 bronze medals sa elementary at 66-45-26 sa secondary divisions para angkinin ang overall crown sa ika-13 sunod na taon bitbit ang pinagsamang 98-66-45 medalya kasunod ang Region IV-A (41-57-57), Region VI (38-29-40), Negros Island (26-27-36), Region XII (26-22-35), CARAA (26-21-21), Region XI (22-25-24), Region X (20-20-42), Region VII (20-18-29), Region III (15-18-28), Region V (9-18-34), Region II (7-15-13), Region I (7-12-21), CARAGA (7-12-15), Region VIII (7-5-18), Region IX (5-0-17), Region IV-B (2-8-7), ARMMAA (1-4-4).
Mula nang ipatupad ang paggamit ng point system at medal tally noong 2005 ay hindi pa naisusuko ng NCR ang korona sa nasabing sports event para sa mga student/athletes na may edad 17-anyos pababa.
Noong 2016 Palarong Pambansa na idinaos sa Albay ay humakot ang mga NCR athletes ng kabuuang 104 golds, 57 silvers at 48 bronze medals.
Sa basketball, giniba ng NCR cagers ang Region VI, 75-48, sa secondary boys' class, habang tinalo ng Region IV-A ang Region VII, 86-41 sa elementary category para angkinin ang kanilang mga ginto.
Sa football, dinaig ng NCR ang Region VI, 3-1, at binigo ng Region VII ang Region VI, 1-0 para pitasin ang ginto sa secondary at elementary level, ayon sa pagkakasunod.