SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique, Philippines – Sumisid ng limang gintong medalya si Kyla Soguilon ng Region VI (Western Visayas), habang tinapos ni Jeraldo Jacinto ng National Capital Region ang kanyang mga events sa pamamagitan ng isa na namang record-breaking performance.
Idinagdag ng 12-anyos na tubong Kalibo, Aklan na si Soguilon sa kanyang mga koleksyon ng gold medal ang pinagreynahang elementary girls’ 50-meter backstroke sa bilis na 33.34 segundo.
“Every year po talagang pinaghahandaan ko itong Palaro, kaya masayang-masaya po ako sa naging performance ko,” sabi ng estudyante ng Kalibo Sun Yat Sen School na hinirang na 2016 Palarong Pambansa Most Oustanding Swimmer sa nakolekta niyang 4 gold, 2 silver at 1 bronze medals.
Nauna nang inangkin ng 2016 PSL Swimmer of the Year ang mga gintong medalya sa elementary girls 200m individual medley, 100m backstroke, 50m butterfly at 4x50m medley relay.
Sinira naman ng inco- ming Grade 10 student ng University of the East na si Jacinto ang dati niyang record na 2:12.61 sa secondary boys’ 200m backstroke para sa bagong marka na 2:09.87.
“Super saya po kasi this is my first time na naka-break ako ng tatlong Palaro records,” sabi ng six-footer na si Jacinto na nagtayo ng mga bagong marka sa 100m backstroke (1:00.18) at sa 200m medley relay (1:54.08).
Hanggang kahapon ng alas-5:30 ng hapon ay nagtala ang NCR ng 26 gold, 14 silver at 13 bronze medals sa elementary at 34-23-13 sa secondary para manguna sa medal tally bitbit ang kabuuang 60-37-26.
Nasa ilalim ng NCR ang Region VI (23-13-24), Region XII (17-19-21), Region IV-A (16-34-35), Negros Island (16-15-18), CARAA (16-10-11) at Region X (12-12-21).
Sa archery, tumudla ng tatlong bagong Palaro record si Charmaine Angela Vilamor ng CAR sa secondary girls’ 40m (318), 50m (338), 60m (318) para angkinin ang gold medal kasama pa ang Single Fita (1301), habang isa ang itinala ni Lloyd Apawan ng Region VII (Central Visayas) sa secondary boys’ 70m (307) na naghari rin sa 60m (323).
Kumuha ng tig-isang ginto sina Ma. Ferimi Gleam Bajado (334) ng NIR (Negros Island) sa secondary girls’ 30m at Jared Cole Sua (309) ng Region I (Ilocos) sa secondary boys’ 50m.