MEMPHIS - Matapos dalhin ni point guard Mike Conley ang Grizzlies sa overtime ay si center Marc Gasol naman ang nagpanalo sa huli.
Isinalpak ni Gasol ang isang 12-footer sa natitirang 0.7 segundo para tulungan ang No. 7-ranked Memphis na makalusot laban sa second-seeded San Antonio Spurs sa extra period, 110-108 at itabla sa 2-2 ang kanilang first-round playoff best-of-seven series.
Humugot si Conley ng apat sa kanyang 35 points at nagtala ng isang assist sa overtime para pamunuan ang Grizzlies.
Nagtala naman si Gasol ng 16 points, 12 rebounds at 4 assists, habang nagdagdag si JaMychal Green ng 14 points mula sa bench at kumolekta si Zach Randolph ng 12 points at 11 rebounds.
Nakatakda ang krusyal na Game Five sa San Antonio sa Martes.
Hawks sinilo ang Wizards
Sa Atlanta, kaagad kinontrol ng Hawks ang laro para kunin ang 116-98 panalo laban sa Washington Wizards.
Pinangunahan nina Paul Millsap at Dennis Schroder ang pagtatala ng Atlanta sa 38-20 bentahe sa first quarter at hindi na pinalapit ang Washington para sa kanilang 1-2 agwat sa serye.
Naglista si Millsap ng 29 points at may 27 markers si Schroder para sa Hawks, nakakuha ng 16 points kay Taurean Prince.
Binanderahan naman ni John Wall ang Wizards mula sa kanyang 29 points, habang may 13 markers si Brandon Jennings kasunod ang 12 at 11 points nina Bradley Beal at Bojan Bogdanovic, ayon sa pagkakasunod.
Raptors tumabla rin sa Bucks
Sa Milwaukee, humataw ang Toronto Raptors sa third quarter para talunin ang Bucks, 87-76 at itabla ang kanilang serye sa 2-2.
Tumipa si DeMar DeRozan ng 33 points kasunod ang 18 markers ni Kyle Lowry para sa Raptors, naghulog ng 12-3 bomba para kunin ang 64-55 kalamangan sa Bucks patungo sa kanilang panalo.
Nagdagdag sina Norman Powell at Jonas Valanciunas ng tig-12 points para sa Toronto.
Umiskor si Tony Snell ng playoff career-highs na 19 points tampok ang limang 3-pointers para sa Milwaukee, habang nalimitahan si Giannis Antetokounmpo sa 14 points mula sa 6 of 19 fieldgoal shooting.