Palaro Lifetime Achievement Award iginawad kay Muros

Nagpakitang gilas si Jarine M. Lista ng Region 4 B sa Rhytmic Gymnastics ball preliminary sa Palarong Pambansa sa EBJ Gym Binirayan Sports Complex San Jose de Buenavista, Antique.

SAN JOSE, Antique , Philippines --Maliban sa kanyang mga nakamit na gintong medalya sa mga international competitions bilang national athlete, pinahahalagahan din ni dating long jump queen Elma Muros ang pagkilala sa kanya bilang athletics coach.

Nakatakdang igawad sa 50-anyos na si Muros ang Palarong Pambansa Lifetime Achievement Award sa opening ceremonies ng annual meet na inaasahang dadaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong hapon dito sa Binirayan Sports Complex.

“Ito na lang 'yung recognition na nakukuha namin as coach. Kaya tuwang-tuwa ako na napili para sa achievement award,” sabi ni Muros na inialay din ang award sa tubong Antique na si Dorie Cortejo.

Si Cortejo, prudukto ng Project: Gintong Alay kagaya ni Muros, ang silver medalist sa Southeast Asian Games.

Nagtakbo ng mga gintong medalya sa Palarong Pambansa ang tubong Magdiwang, Romblon sa 100 at 200-meter at  long jump event noong 1981 hanggang 1983.

Sa kanyang huling pagsali sa Palarong Pambansa noong 1983 ay tinalo ni Muros si trackstar legend Lydia De Vega sa 100m run sa Tacloban.

Hawak ni Muros ang record sa pinakamaraming gold medals na nakuha sa Southeast Asian Games sa bilang na 15 kung saan ang walo rito ay kinuha niya sa long jump event.

Kinatawan din niya ang Pilipinas sa 1984 at 1996 Olympic Games na idinaos sa Los Angeles at Atlanta, USA, ayon sa pagkakasunod.

Show comments