Kampo ni Horn huhugot ng mga bigating sparmates
MANILA, Philippines - Alam ng kampo ni Australian challenger Jeff Horn ang kalibre ni Manny Pacquiao.
Kaya naman susubukan ng trainer ni Horn na makakuha ng mga bigating sparmates para sa preparasyon ng dating school teacher.
Gustong kunin ni Glenn Rushton, ang chief trainer ng 29-anyos na si Horn, sina Ukrainian sensation Vasyl Lomachenko at American welterweight prospect Errol Spence Jr. bilang mga sparmates.
“I would dearly love to get Lomachenko to work with Jeff because like Pacquiao he is so fast and razor sharp,” ani Rushton sa panayam ng Fox Sports tungkol sa Ukranian WBO super featherweight champion.
Si Spence naman ang pipiliting makuha ng Duco Events, ang promoter ni Horn, para sa training camp ng Australian No. 2 contender.
Gusto ni Rushton na makakuha ng sparring partner ni Horn na magagaya ang kilos at lakas ng Filipino world eight-division champion na si Pacquiao.
At sina Lomachenko at Spence ang mga halimbawa nito.
“Pacquiao boxes with an intensity unlike most fighters but Lomachenko is a ring genius. I want guys who are lighter than Jeff (67kg) as sparring partners so they can simulate the same sort of speed and movement that has made Pacquiao such a star,” ani Rushton.
Si Spence ay may punching power kagaya ni Pacquiao, habang si Lomachenko ay isang mabilis na boksingero.
“Lomachenko would be much more suitable to prepare for Pacquiao than Errol Spence who is more of a power puncher,” sabi pa ni Rushton.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown laban kay Horn sa Hulyo 2 sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
Plano ni chief trainer Freddie Roach na gawin ang training camp ni ‘Pacman’ sa Pilipinas.
- Latest