MANILA, Philippines - Maagang nagparamdam ng lakas ang Philippine Swimming League (PSL) nang humakot ito ng anim na gintong medalya sa pagsisimula ng 2017 Indian Ocean All-Star Challenge na ginaganap sa HBF Challenge Stadium sa Perth, Australia.
Pinangunahan nina Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College Parañaque at Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas ang ratsada ng Pilipinas matapos humakot ng tig-dalawang gintong medalya.
Hindi rin nagpahuli ang magkapatid na sina Jana Kim Frauline Del Rosario at Joey Del Rosario ng De La Salle-Zobel na sumiguro rin ng gintong medalya sa kani-kanilang dibisyon sa torneong nilahukan ng mahigit 600 tankers.
Pinagreynahan ni Mojdeh ang girls’ 9-10 50m butterfly sa bilis na 31.80 segundo kasunod ang pamamayagpag nito sa 50m freestyle sa pamamagitan ng 31.01 segundo para magandang simulan ang pagdepensa sa kanilang Most Outstanding Swimmer award sa kanyang kategorya.
Mainit din ang paghataw ni Zamora na kumana agad ng ginto sa boys’ 15-16 50m butterfly (26.40) at 50m freestyle (25.00) at inaasahang madaragdagan pa sa oras na sumabak sa mga susunod na events.
Wagi naman ng ginto si Jana Kim Frauline sa girls’ 9-10 100m breaststroke (1:41.75) at pilak sa girls’ 9-10 50m butterfly (35.84) habang bahagi si Joey ng Asia Team na nakaginto sa 200m freestyle relay.
“It’s a great start for us. We only have four swimmers this time and each one of them already has a gold medal. We’re looking for more gold medals as the tournament progresses,” ani PSL National Capital Region Director at Delegation Head Joan Mojdeh.
Magugunitang humakot si Mojdeh ng walong ginto at dalawang pilak noong nakaraang taon habang nakasiguro naman si Zamora ng anim na ginto, tatlong pilak at isang tanso para manduhan ang PSL squad sa pagsisid ng 48 ginto, 19 pilak at 11 tanso.
Ang PSL ay kinikilala ng PSC bilang opisyal na national sports association na nagpapatupad ng grassroots development program sa bansa. May basbas din ito ng Federation of School Sports Association of the Philippines na konektado sa International University Sports Federation (FISU).