De Jesus may inihandang game plan kontra UST

MANILA, Philippines - Umaasa si De La Salle University head coach Ramil De Jesus na sapat ang ilang araw na bakasyon upang  makabalik sa porma bago sumalang sa Final Four ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament.

Galing ang nagdedepensang La Salle sa 25-12, 20-25, 21-25, 19-25 kabiguan sa kamay ng Ateneo de Manila University dahilan upang mahulog ito sa No. 2 spot sa semis tangan ang 11-3 marka.

Nakuha naman ng La­dy Eagles ang top seeding bitbit ang 12-2 rekord.

Kaya naman gagamitin ng Lady Spikers ang buong linggo upang makabuo ng solidong plano para sa semis.

Sa crossover semis, makakasagupa ng La Salle ang No. 3 University of Santo Tomas habang haharap naman ang Ateneo laban sa No. 4 Far Eastern University.

Armado ang Lady Spi­kers at Lady Eagles ng twice-to-beat advantage.

“Ito (semis) talaga ang tunay na laban. Kailangan naming paghandaan ang UST dahil maganda ang inilalaro nila. There’s no room for error sa semis. Kailangan handa kami,” wika ni De Jesus.

Mamanduhan ang La Salle ng beteranong playmaker na si Kim Fajardo ngunit kailangan nito ng suporta mula kay libero Dawn Macandili upang makagawa ng magagandang plays para kina middle hitters Mary Joy Baron at Aduke Ogunsanya, open hitters Ernestine Tiamzon at Desiree Cheng at opposite spiker Kim Dy.

Tatapatan naman ito ng matikas na tambalan nina EJ Laure at Cherry Ann Rondina na siyang top scorers ng Tigresses.

Maganda rin ang inilalaro nina Ria Meneses, Christine Francisco, Chloe Cortez at Dimdim Pacres na magbibigay ng sapat na suporta sa opensa.

Ito ang unang pagkakataon na masisilayan ang Tigresses sa Final Four sa loob ng apat na taon kaya naman inaasahang ilalabas nito ang pinakamabangis na lakas upang maipu­wersa ang rubber match.

“Nandito na kami sa semis. Nakuha na namin yung target namin pero hindi kami dapat makuntento. Lulubusin na namin dahil nandito na rin naman kami,” pahayag ni Tigresses head coach Kungfu Reyes.

Lalarga ang bakbakan ng La Salle at UST sa Abril 22 sa Smart Araneta Coliseum habang masisilayan naman ang duwelo ng Ateneo at FEU sa Abril 23 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Parehong lalaruin ang semis sa alas-4 ng hapon.

Show comments