WPA Kamui Challenge 8-ball Corteza kampeon
MANILA, Philippines - Napasakamay ng beteranong si Lee Vann Corteza ang korona sa 2017 World Pool Series - Kamui Challenge 8-Ball Championship na ginanap sa Steinway Cafe Billiards sa Astoria Queens sa New York City.
Naitala ni Corteza ang 2-1 panalo kabilang ang 5-4 pananaig sa shootout laban kay dating world champion Mika Immonen ng Finland sa kanilang championship showdown para masiguro ang $4,000 premyo sa event na suportado ng World Pool-Billiard Association.
Uuwi si Immonen bitbit ang $2,500 konsolasyon bilang runner-up.
Umabante sa finals si Corteza nang itakas nito ang 9-8 panalo kay Karl Boyes ng Great Britain sa semifinals habang napigilan naman ni Immonen ang All-Filipino finale matapos patumbahin si Warren Kiamco sa hiwalay na semis game sa bendisyon ng 9-6 desisyon.
Gayunpaman, ginawaran pa rin ng $1,000 premyo si Kiamco sa pagpasok sa semifinals.
Kabilang sa mga tinalo ng World Pool Series Leg 1 runner-up na si Corteza sina Ike Runnels ng Amerika sa second round (8-2), Toru Kuribayashi ng Japan sa third round (9-7) at Marc Vidal Claramunt ng Spain sa quarterfinals (9-2).
Hindi naman pinalad ang dalawa pang miyembro ng Pinoy squad.
Natalo si Dennis Orcollo sa second round laban kay Abdulah Alshammari ng Saudi Arabia (1-8) habang yumuko si Johann Chua kay Tony Robles sa first round (5-8).
Nauna nang nagtapos sa ikalawang puwesto si Carlo Biado sa World Pool Series - Aramith Masters Championship na ginanap sa parehong venue.
Sunod na hahataw ang Pinoy cue masters sa ikatlong yugto ng World Pool Series na Rack Classic Championship na idaraos sa Hulyo 12 hanggang 16 kasunod ang Grand Finale na Predator World Series Championship na gaganapin sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 1.
- Latest