MANILA, Philippines - Nang banggitin ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pangalan ni Jeff Horn bilang susunod na kalaban ni Manny Pacquiao ay marami ang nagtaas ng kilay.
Aminado ang 29-anyos na dating school teacher na hindi siya popular kumpara sa mga nakaraang nakalaban ng 38-anyos na si Pacquiao.
“They’re all going to talk me down. They don’t know who I am. Even when they watch my videos they don’t think I’m that good,” wika ni Horn. “But when you get in the ring with me, put a top fighter in against me, they’re going to see that I belong in there.”
Itinakda ang bakbakan nina Pacquiao (59-6-2) at Horn (16-0-1, 11 KOs) sa Hulyo 2 sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
Idedepensa ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown, naagaw niya kay Jessie Vargas noong Nobyembre, laban kay Horn.
Sa naunang panayam ay sinabi ni Michael Koncz, ang business adviser ni Pacquiao, na matapos nilang pabagsakin si Horn ay kaagad nilang lilisanin ang Australia para tutukan ang susunod na laban ni ‘Pacman’.
Huling nakapagtala si Pacquiao ng TKO win noong Nobyembre ng 2008 matapos niyang pasukuin si Miguel Cotto sa 12th round para angkinin ang WBO welterweight belt mula sa Puerto Rican.
Kumpiyansa si Horn na tatalunin niya si Pacquiao.
“I keep picturing myself winning. I keep picturing my style upsetting him throughout the fight. And I can see myself landing those big punches. And I think that’s what is going to happen,” wika ni Horn.
Nakahanda rin siyang makipagpalitan ng suntok sa Filipino world eight-division champion.
Naakatakdang magtungo si Pacquiao sa Brisbane sa Abril 24 para sa kanilang promotional tour ni Horn na dadalhin din sa Sydney, Melbourne at Adelaide.