WPA Aramith masters C’ships
MANILA, Philippines - Lumilipad pa ang bandila ng Pilipinas matapos umusad sa semifinals si Carlo Biado sa prestihiyosong 2017 World Pool Series - The Aramith Masters Championships na ginaganap sa Steinway Cafe Billiards sa Astoria Queens sa New York City.
Dalawang sunod na panalo ang itinala ni Biado kabilang ang 2-0 pananaig sa quarterfinals laban kay dating world champion Ralf Soquet ng Germany sa torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association.
“Sinuwerte lang ako dahil alam ko naman na beterano ang kalaban ko. May mga shots lang siya na hindi tumugma kaya dun ako nagkaroon ng chance para makuha yung panalo, talagang sinuwerte lang,” ani Biado
Una nang nagtala si Biado ng 2-1 panalo laban kay dating Philippine Open titlist Thorsten Hohmann ng Germany sa Last 16.
Makakasagupa ni Biado sa semis si Darren Appleton ng Great Britain sa Final Four ng torneong may nakalaang $14,000 sa magkakampeon, $7,000 sa runner-up at tig-$4,500 sa semifinalists.
Hindi naman pinalad ang tatlo pang miyembro ng pambansang koponan na sina Jeff De Luna, Roberto Gomez at Ramil Gallego matapos yumuko sa kani-kanilang mga laban.
Natalo si De Luna kay Billy Thorpe ng Amerika sa Last 16 sa iskor na 7-9 habang yumuko naman si Gallego kay Soquet (1-2) gayundin si Gomez sa kamay ni Chris Melling ng Great Britain (0-2).
Matapos ang Aramith Masters, sunod na itatanghal ang ikatlong yugto na may temang Rack Classic Championship sa Hulyo 12 hanggang 16.
Gaganapin naman ang Grand Finale na tatawaging Predator World Series Championship sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 1