Cojuangco ihahabla rin si Fernandez

MANILA, Philippines -  Hindi aatras si Philippine Olympic Committee president Jose "Peping" Cojuangco sa kanyang legal battle kontra kay PSC commissioner at dating basketball superstar Ramon Fernandez.

Nagsampa kamakailan si Fernandez ng libel case laban kay Cojuangco dahil sa alegasyon ng POC president na nagbenta ng laro ang 63-anyos na sports official habang siya ay  naglalaro sa PBA.

“Tutal nag-demanda siya, ako rin,” sabi ng 82-anyos  na si  Cojuangco, ang POC president simula noong 2004.

“Maghanda siya sa mga  paninira niya sa POC. May ebidensiya ba siya sa mga sinabi niya?,” dagdag pa nito.

Ginamit ni Fernandez ang social media para banatan ang POC president.

Tinawag ng miyembro ng PBA Hall of Fame si Cojuangco ng iba't ibang pangalan sa social media at inakusahan ng maling paggamit ng pondo.

Ayon sa isang POC insider, may mga opsyon si Cojuangco na maaaring gawin, isa na rito ang pagsasampa ng cyber-bullying (cyber crime) case kontra kay Fernandez.

“If it was one article that Ramon Fernandez used as basis for his libel case, then it's entirely different when it comes to social media where one post is one count,” sabi ng insider.

“Mr. Cojuangco has that option,” dagdag pa nito.

Show comments