MANILA, Philippines - May bago nang tahanan ang XTERRA Off-Road Triathlon-- ang Danao, Cebu.
Pinamahalaan ang ilang international mountain bike events sa nakaraang mga taon, bubuksan ng Danao ang kanilang pintuan para sa mga endurance athletes na sasabak sa 1.5K swim, 40K bike at 10K trail run sa scenic mountain ranges na magsisilbing backdrop.
Pakakawalan ang XTERRA Triathlon South race sa Abril 23 na inaasahang sasalihan ng 300 hanggang 400 partisipante sa pangunguna nina Bradley Weiss at Jacqui Slack, ang men’s champion at women’s runner-up, ayon sa pagkakasunod, noong nakaraang taon sa Albay.
Pangangasiwaan ng Danao ang XTERRA hanggang 2019 base sa kanilang nilagdaang three-year contract kasama sina Rep. Ramon “Red” Durano VI at Princess Galura, ang general manager ng nag-oorganisang Sunrise Events, Inc.
Ang event ay itinataguyod ng City of Danao, Province of Cebu, 2GO Express, Cetaphil, David’s Salon, DOT, Tourism Promotions Board, HYPER HD on Cignal TV, Columbia, Prudential Guarantee, Rock Tape, Sanicare, The Philippine Star, Trilife Magazine, Coca Cola Femsa, Powerade at Wilkins kasama ang Coco Palms Resort at El Salvador bilang venue at hotel partners.
Magsisimula at magtatapos ang swim event sa Coco Palm Beach Resort, habang ang bike stage ay gagawin sa isang two-loop course.
Bukod sa centerpiece full distance races, itatampok din sa XTERRA Danao ang Lite Distance (750m swim, 20k mountain bike, 5k trail run) at Duathlon Distance (3K trail run, 20K mountain bike, 5K trail run).