MANILA, Philippines - Naging balikatan ang bakbakan nina imports Cory Jefferson ng Alaska at Shawn Taggart ng nagdedepensang Rain or Shine.
Ngunit mas naging mahalaga ang isinalpak na dalawang three-point shots ng 6-foot-9 na si Jefferson sa huling bahagi ng fourth period.
“Cory hit some big shots. That’s what you like to see your import do,” sabi ni coach Alex Compton kay Jefferson matapos akayin ang Aces sa 105-102 panalo laban sa Elasto Painters sa 2017 PBA PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si Jefferson ng 41 points at 13 rebounds para sa ikaapat na dikit na ratsada ng Alaska, habang ito naman ang ikalawang sunod na kabiguan ng Rain or Shine matapos buksan ang torneo sa 3-0.
Itinala ng Aces ang 14-point lead, 67-53, sa gitna ng third period bago naagaw ng Elasto Painters ang bentahe sa 99-98 mula sa basket ni rookie guard Mike Tolomia sa huling minuto ng fourth quarter.
Nagsalpak naman si Jefferson ng triple para sa 101-99 abante ng Alaska sa huling 30.1 segundo kasunod ang turnover ni Tolomia para sa Rain or Shine.
Ang dalawang free throws ni Casio ang naglayo sa Aces sa 103-99.
Tumapos si Taggart na may 40 points para sa Elasto Painters.
Alaska 105 - Jefferson 41, Casio 16, Thoss 15, Abueva 11, Racal 6, Enciso 5, Exciminiano 3, Andrada 3, Pascual 2, Cruz 2, Mendoza 1.
Rain or Shine 102 - Taggart 40, Cruz 11, Tolomia 9, Yap 8, Norwood 8, Chan 7, Belga 6, Almazan 4, Washington 4, Tiu 3, Ponferrada 2, Ahanmisi 0.
Quarterscores: 26-29; 50-44; 80-71; 105-102.