MANILA, Philippines - Nakabalik sa porma ang Petron nang iharurot nito ang 26-24, 22-25, 25-19, 26-21 panalo laban sa two-time Grand Prix champion Foton sa ikalawang araw ng Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference final round sa The Arena sa San Juan City.
Pinamunuan ni dating University of Santo Tomas standout Aiza Maizo-Pontillas ang ratsada ng Blaze Spikers nang humataw ito ng 15 kills habang sumuporta sina Ces Molina, Mina Aganon at Mika Reyes para makuha ang panalo.
“Medyo mabagal pa rin kami ngayon pero at least nag-improve na ang communication namin bumalik na yung depensa namin ngayon kumpara last time (against Cignal),” pahayag ni Maizo-Pontillas.
Sunod na makakasagupa ng Petron ang Japanese team na Kobe Shinwa Women’s University ngayong alas-7 ng gabi.
Nakabawi ang Blaze Spikers sa 25-22, 18-25, 25-15, 25-19 pagkabigo sa Cignal sa unang araw ng final round upang umangat sa 1-1 baraha.
Tuluyan nang namaalam sa kontensiyon ang Tornadoes na nahulog sa 0-2 marka.
Unang natalo ang Foton sa Kobe Shinwa Wo-men’s University sa iskor na 25-15, 22-25, 25-18, 25-12.
Sa classification round, iginupo ng Cocolife ang Sta. Lucia Realty, 25-23, 23-25, 25-17, 12-25, 15-11 upang umusad sa battle-for-fourth place.
Naging matatag na sandalan ng Asset Managers sina Rosemarie Vargas at Michele Gumabao partikular na sa fifth set para makuha ang panalo.
Umani si Vargas ng 20 puntos kabilang ang 18 attacks habang naglista si Gumabao ng 18 puntos para pamunuan ang atake ng Asset Managers na nagkaroon ng tsansang makalaro ang Kobe Shinwa Women’s University sa isang tuneup game bilang paghahanda sa classification round.
“Mas nakaganda yung naging tuneup namin sa Japanese team. Meron kaming natutunan dun kahapon na dapat pag-whistle ng referee naka-ready ka na for service. Kanina medyo lumabas sa amin yung ganung style, especially sa services ni (Kaye) Daly,” ani Cocolife coach Obet Javier.
Tinapos ng Lady Realtors ang kampanya nito sa ikaanim na puwesto.
Maghaharap ang Asset Managers at Lifesavers sa battle-for-fourth sa alas-3 ngayong hapon. - CCo