MANILA, Philippines - Kinailangan ng Aces ang pagbibida ni veteran center Sonny Thoss sa huling dalawang minuto ng final canto para selyuhan ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Humugot ang 6-foot-8 na si Thoss ng anim sa inihulog na 10-0 bomba ng Alaska para talunin ang Mahindra, 98-92, sa 2017 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumapos si Thoss na may 11 points para sa 3-0 baraha ng Aces katabla ang nagdedepensang Rain or Shine Elasto Painters at Meralco Bolts, naglalaro pa habang isinusulat ito.
“Sonny Thoss was awesome. He played like an import,” pagpuri ni head coach Alex Compton kay Thoss na siyang nagbigay sa Alaska ng 15-point lead, 97-82, sa huling 1:46 minuto ng fourth quarter.
Kumolekta naman si import Cory Jefferson ng 30 points, tampok ang 4-of-5 shooting sa three-point line, at 11 rebounds, habang nag-ambag si small forward Calvin Abueva ng 17 markers at 6 boards.
Itinala ng Aces ang 10-point lead, 28-18, sa opening period hanggang ibaon ang Floodbuster, may 1-3 baraha ngayon, sa 74-61 sa pagsasara ng third quarter.
"It was a good start. It helps when your import's on fire," sabi ni Compton kay Jefferson.
Nakahugot ang Mahindra kay balik-import James White ng 30 points, habang may 13, 12 at 10 markers sina Mark Yee, LA Revilla at Gary David, ayon sa pagkakasunod.
Nadiskaril ang target na back-to-back wins ng Floodbuster.
Alaska 98 - Jefferson 30, Abueva 17, Thoss 11, Racal 8, Cruz 8, Enciso 6, Exciminiano 5, Galliguez 5, Pascual 2, Casio 2, Mendoza 2, Andrada 2, Magat 0.
Mahindra 92 - White 30, Yee 13, Revilla 12, David 10, Mallari 7, Celda 5, Paniamogan 5, Guevarra 2, Teng 2, Galanza 2, Ballesteros 2, Elorde 2, Deutchman 0, Caperal 0, Salva 0.
Quarterscores: 28-18; 50-40; 74-61; 98-92.