Matira ang matibay!

MANILA, Philippines -  Ibubuhos na ng apat na koponan ang naitatago nitong lakas upang masungkit ang tiket sa finals sa pag-arangkada ng kani-kanilang rubber match sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Maghaharap sa unang do-or-die ang Cafe France at Racal sa alas-3 na susundan ng sariling winner-take-all game ng Cignal-San Beda at Tanduay sa alas-5 ng hapon.

Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng D-League na umabot sa Game 3 ang best-of-three semifinal series.

“Again, we know the name of the game is we have to be patient, so sabi ko lang sa mga bata, we’ll try to keep things simple. Anything can happen so kailangan nandoon yung poise namin,” ani Tile Masters coach Jerry Codiñera.

Aasahan ni Codiñera sina Sidney Onwubere, Kent Salado at Jackson Corpuz sa tangka ng Tile Masters na makuha ang tiket sa finals.

Umaasa naman si Ba­kers coach Egay Macaraya na magagamit ng kanyang tropa ang malalim na karanasan para makuha ang panalo.

“I need everybody. I’m wielding the veterans ho­ping na mag-step up sila. But as a young team, all we could do is motivate the boys. We want them to have these life-changing moments, for them to rea­lize that our destiny is to make it back to the Finals,” sambit ni Macaraya.

Muling kukuha ng lakas ang Cafe France kina Paul Desiderio, Rod Ebondo at Joseph Sedurifa.

Sa kabilang banda, kumbinsido si Hawkeyes coach Boyet Fernandez na nagtataglay ng bangis ang kanyang bataan na magiging armas nito para makahirit ng puwesto sa finals.

Kinakailangan lang aniyang ilabas ang matatalim na kuko ng Hawkeyes upang pigilan ang Tanduay squad.

Aariba para sa Cignal sina Jason Perkins, Robert Bolick at Pamboy Raymundo na siyang mga nangunang puwersa sa kanilang huling laro.

“It’s going to be a matter of who wants it more. We challenged them to step up their game and I think they already realized that Tanduay is indeed no pushovers. We just have to be consistent and focused on the game,” ani Fernandez.

Determinado ring haharap ang Rhum Masters ni coach Lawrence Chongson.

Mamanduhan ang Rhum Masters nina ex-pros Mark Cruz, Jerwin Gaco at Lester Alvarez.

Show comments