MANILA, Philippines - Nagkausap na sina Bob Arum ng Top Rank Promotions at Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Manny Pacquiao, kamakailan.
At sinasabing muling inialok ni Arum kay Koncz si Australian No 1 contender Jeff Horn para labanan ni Pacquiao sa Brisbane, Australia.
Kaya naman wala nang magagawa si dating British light welterweight titlist Amir Khan kundi ang maghintay sa pakikipag-usap ng kanyang manager na si Al Haymon kay Koncz.
“I left it to my team to speak to Manny and his adviser, Michael,” wika ni Khan sa panayam ng BoxingScene.com. “If the fight happens, it makes sense for both of us. It’s a big fight.”
Isang buwan na ang nakakaraan nang kapwa inihayag nina Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) at Khan (31-4-0, 19 KOs) sa social media ang kanilang bakbakan sa Dubai.
Ito ay matapos silang pangakuan ng isang investment group sa United Arab Emirates ng $38 milyon.
Ngunit hindi ito natuloy nang ibunyag ni Arum na walang pera ang nasabing grupo.
Huling lumaban si Khan noong Mayo ng 2016 kung saan siya pinatulog ni Mexican star Canelo Alvarez (48-1-1, 34 KOs) sa sixth round ng kanilang middleweight title fight sa Las Vegas.
Nauna nang inihayag ni Arum na itataya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown laban sa 28-anyos na si Horn (16-0-1, 11 KOs).
Ang iba pang binanggit ni Arum na maaaring labanan ni Pacquiao ngayong taon ay sina dating world four-division titlist Adrien Broner (32-2, 24 KOs) at WBC/WBO light welterweight title-holder Terence Crawford (30-0-0, 21 KOs).