MANILA, Philippines - Sinakmal ng National University ang University of Santo Tomas, 3-0 upang matamis na angkinin ang four-peat sa UAAP Season 79 women’s lawn tennis kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Inilista ni season Most Valuable Player Clarice Patrimonio ng Lady Bulldogs ang agresibong 6-1, 6-3 panalo laban kay Erika Manduriao ng Tigresses sa second singles na siyang naging daan para masikwat ng Lady Bullodgs ang kampeonato.
“We are just focused on the game,” wika ni Patrimonio na nakuha ang MVP award sa ikalawang sunod na taon.
Magarbo namang tinapos ng two-time MVP na si Christine Patrimonio ng NU ang kanyang college career nang itarak nito ang matamis na 6-0, 6-3 panalo kontra kay Precian Rivera ng Tigresses sa unang singles.
“Nakakalungkot, nasanay ako na kasama si Tin. But I guess next year, I’ll try my best,” wika pa ni Clarice.
Nagtala rin ng panalo ang Lady Bulldogs sa doubles nang pataubin nina Jzash Canja at Apoul Polito sina Manduriao at Shymae Guitaran, 6-2, 6-0.
Nakumpleto ng Lady Bulldogs ang 9-0 sweep sa torneo para palawigin ang kanilang winning streak sa 24 ties na nagsimula noong Pebrero 2015.
Magandang pabaon ang korona para sa limang Lady Bulldogs na natapos na ang kanilang playing eligibility sa liga.
“I told them to make it count, make it memorable,” sambit ni NU coach Karl Santamaria na dinala rin sa four-peat ang NU men’s lawn tennis noong 2013 hanggang 2016.
Itinanghal namang Rookie of the Year si Nicole Amistad ng Ateneo de Manila University.
Si Amistad ang ikalawang sunod na Lady Eagles player na ginawaran ng ROY plum matapos itong makuha ni Jana Pages noong nakaraang taon.