WASHINGTON -- Ipinagpatuloy ni Dirk Nowitzki ang maganda nilang paglalaro matapos akayin ang Dallas Mavericks sa 112-107 panalo laban sa Wizards.
Bumangon ang Mavericks mula sa double-digit deficit para tapusin ang kanilang dalawang sunod na kamalasan at ilista ang ika-29 panalo sa 67 laro.
Nagtala si Nowitzki ng average na 20 points sa nasabing dalawang dikit na kabiguan ng Dallas.
Laban sa Washington ay kumamada si Nowitzki ng 10 sa kanyang 20 points sa fourth quarter tampok ang isang jumper mula sa pasa ni Seth Curry para sa kanilang 89-87 abante sa huling pitong minuto ng laro.
Nagtala naman si Harrison Barnes ng 22 points, habang tumapos si Curry na may 11 markers.
Nalasap ng Wizards ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan at pang-26 sa 67 laban.
Umiskor si John Wall ng 26 points bukod pa sa kanyang 11 assists, samantalang nagdagdag si Bradley Beal ng 24 points.
Nag-ambag si Otto Porter ng 14 points at 10 rebounds para sa Washington.
Sa Indianapolis, humataw si Paul George ng 39 points na tinampukan ng anim na triples para pangunahan ang Indiana Pacers sa 98-77 paggupo sa Charlotte Hornets, 98-77.
Bumalikwas ang Pacers mula sa naunang kabiguan sa New York Knicks para iposte ang kanilang ika-35 panalo sa 68 laro.
Naglista si George ng 15-for-21 fieldgoal shooting sa loob ng 33 minuto.
Siya lamang ang tanging Indiana starter na umiskor sa double figures.
Nagdagdag si Monta Ellis ng 16 points para sa Pacers.
Nalasap ng Hornets ang kanilang ikatlong sunod na pagkatalo at pang-39 sa 68 asignatura.
Sa Chicago, nagtumpok sina Mike Conley at Marc Gasol ng pinagsamang 18 sa 24 points ng Memphis Grizzlies sa fourth quarter para talunin ang Bulls, 98-91.