MEMPHIS, Tenn. -- Isinama ng Grizzlies ang 40-anyos na si Vince Carter sa starting lineup sa unang pagkakataon ngayong taon para maresolbahan ang malamya nilang outside shooting.
Nagsalpak si Carter ng 8-of-8 fieldgoal shooting tampok ang anim na three-point shots para umiskor ng season-high 24 points at akayin ang Memphis sa 113-93 panalo laban sa Milwaukee Bucks.
Tumipa si Carter ng season high para sa naisalpak na 3-pointers sa una niyang pagkakabilang sa starting line-up ngayong season.
“He never ceases to amaze me,” sabi ni Grizzlies coach David Fizdale sa dating NBA Slam Dunk champion.
Tinapos ng Memphis ang five-game skid kasabay ng pagpigil sa six-game winning streak ng Milwaukee.
Nagtala naman si guard Mike Conley ng 20 points at 10 assists, habang nagdagdag si Tony Allen at Zach Randolph ng 15 at 14 points, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks sa kanyang 18 points kasunod ang 15 markers ni Malcolm Brogdon at tig-13 points nina Greg Monroe at Matthew Dellavedova.
Sa iba pang laro, tinalo ng Chicago Bulls ang Charlotte Hornets, 115-109; giniba ng Toronto Raptors ang Dallas Mavericks, 100-78; iginupo ng Minnesota Timberwolves ang Washington Wizards, 119-104; pinigil ng Sacramento Kings ang Orlando Magic, 120-115; dinaig ng Utah Jazz ang Los Angeles Clippers, 114-108; at dinurog ng Denver Nuggets ang LA Lakers, 129-101.