Lady Eagles matayog pa ang lipad
Tigresses pinataob ang Lady Warriors
MANILA, Philippines - Dinagit ng Ateneo ang University of the Philippines, 25-15, 25-14, 25-15 upang mapatatag ang kapit sa unahan ng standings sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Walang patawad si open spiker Jhoana Maraguinot na nagbaon ng 15 attacks at dalawang aces habang umariba rin si rookie Kat Tolentino ng 10 puntos para pamunuan ang ratsada ng Ateneo.
Nagsaboy pa ng tig-siyam na puntos sina Bea De Leon at Michelle Morente samantalang muling naglatag ng solidong laro si playmaker Jia Morado na may 38 excellent sets.
Matayog pa rin ang lipad ng Lady Eagles na nakamit ang ikapitong panalo sa walong laro habang lumasap ng ikaapat na sunod na kabiguan ang Lady Maroons upang lumagapak sa 4-4 kartada.
Walang manlalaro ng UP ang nagtala ng double digits matapos malimitahan sa walong puntos si Isa Molde at pito lamang si Diana Carlos. Tanging 24 attacks lamang ang nagawa ng Lady Maroons kumpara sa 44 na itinarak ng Lady Eagles.
Sa unang laro, nalusutan ng University of Santo Tomas ang University of the East, 25-21, 25-15, 25-23 upang umangat sa ikatlong puwesto hawak ang 5-3 rekord.
Umangat sa pagkakataong ito sina Tin Francisco at Pam Lastimosa na humataw ng tig-10 puntos habang sumuporta naman sina EJ Laure, Cherry Ann Rondina, Ria Meneses at Chloe Cortez na may pinagsamang 17 puntos.
Makakasama ng Tigresses sa No. 3 spot ang National University na may parehong marka.
Sa men’s division, naglatag si Bryan Bagunas ng 23 puntos para hatakin ang National University sa 21-25, 25-16, 25-17, 25-18 panalo laban sa UST.
- Latest