Thunder ibinalik sa porma ni Westbrook, Spurs giniba

OKLAHOMA CITY-- Itinala ni Russell Westbrook ang kanyang pang-31 triple-double sa season para banderahan ang Thunder sa 102-92 paggupo sa bisitang San Antonio Spurs.

Nagposte si Westbrook ng 23 points, 13 rebounds at 13 assists at pinantayan ang ginawa ni Wilt Chamberlain noong 1967-68 para sa second-most triple-doubles sa season.

Nagdagdag si Victor Oladipo ng 20 points, habang naglista si Enes Kanter ng 14 points at 10 rebounds para sa Thunder, tinapos ang four-game losing skid.

Tumapos naman si Kawhi Leonard na may 19 points sa panig ng Spurs, nagwakas ang itinalang nine-game winning streak at naiwanan ng Golden State Warriors sa pagkakaroon ng best record sa NBA.

Hindi naglaro para sa San Antonio sina Tony Parker, Manu Ginobili at Kyle Anderson.

Si Ginobili ay ipinahinga, habang si Parker ay may back stiffness at nagkaroon naman si Anderson ng sprained right knee.

Sa  Auburn Hills, Michigan, kumolekta si A ndre Drummond ng 20 points at 16 rebounds para pamunuan ang Detroit Pistons sa 106-101 panalo laban sa Cleveland Cavaliers.

Nagposte si LeBron James ng triple-double sa kan­yang 29 points, 13 rebounds at 10 assists para sa Cavaliers, naipatalo ang ikatlong sunod na laro at pang-lima sa huli nilang pitong laban.

Naglaro si J.R. Smith para sa Cleveland matapos ang thumb injury noong Disyembre, ngunit hindi naman nakita sa aksyon sina Kevin Love at Kyle Korver.

Nauna nang nawala sa line-up ng Cavaliers si Andrew Bogut na nagkaroon ng broken leg.

 

Show comments