MANILA, Philippines - Winalis ng San Beda College ang general championship titles sa juniors at seniors divisions ng National Collegiate Athletic Association Season 92 na pormal nang nagtapos kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Humakot ang Red Lions ng 683 puntos matapos humakot ng pitong gintong medalya.
Nagkampeon ang San Beda sa basketball, chess, men’s taekwondo, women’s table tennis, men at women’s swimming at football habang nakapilak naman ito sa women’s beach volleyball.
Ito ang ikalimang general championship title ng San Beda sa liga.
Pumangalawa lamang ang College of Saint Benilde na may 647 puntos tampok ang korona sa men’s volleyball, women’s taekwondo, men’s table tennis at men’s lawn tennis.
Pumangatlo ang Arellano University na may 590 puntos kabuntot ang Lyceum of the Philippines University (444.5), University of Perpetual Help System Dalta (384.5), Colegio de San Juan de Letran (367), Mapua Institute of Technology (301.5), San Sebastian College (300), Emilio Aguinaldo College (299) at Jose Rizal University (172.5).
Namayagpag din ang San Beda sa juniors makaraang kolektahin ng Cubs ang 405 puntos para mahablot ang ikalimang general championship crown.
Ang San Beda na rin ang winningest team sa juniors bitbit ang 13 overall crowns. (CCo)