Pinay Belles mapapalaban sa asian meet
MANILA, Philippines - Pasok ang Pilipinas sa Pool A ng 2017 Asian Women’s Volleyball Championship na gaganapin sa Manila sa Agosto 9 hanggang 17.
Base sa isinagawang drawing of lots ng Asian Volleyball Confederation (AVC) sa Dusit Princess Sarinakarin Hotel sa Bangkok, Thailand, makakasama ng Pilipinas sa grupo ang Kazakhstan at Hong Kong.
Nasa Pool B naman ang defending champion at Rio Olympics gold medalist China, 2012 London Olympics bronze medalist Japan at Australia habang nasa Pool C ang second seed South Korea, fifth seed Vietnam, Sri Lanka at New Zealand.
Maglalaro naman sa Pool D ang reigning Southeast Asian Games titlist at third seed Thailand, fourth seed Chinese-Taipei, Iran at Maldives.
Wala pang pinal na listahan ang Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. dahil kasalukuyan pang nagsasagawa ang coaching staff ng tryouts sa iba’t ibang panig ng bansa upang bigyan ng pagkakataon ang lahat na makapasok sa national team.
Ngunit inaasahang papangalanan na ni women’s national team head coach Francis Vicente ang national pool kung saan pipiliin ang mga manlalarong isasabak sa Asian Women’s Championship at sa 2017 Southeast Asian Games na idaraos naman sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Maugong ang pangalan nina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez, at magkapatid na sina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat sa mga nangungunang kandidato.
Kasama rin sa mga nagtryout sina Maika Ortiz, Aiza Maizo-Pontillas, Grethcel Soltones, Myla Pablo, Mika Reyes, Aby Maraño, Jovelyn Gonzaga, Rachel Anne Daquis, Shaya Adorador at Jen Reyes.
Ngunit inaasahang madaragdagan pa ito sa oras na matapos ang UAAP Season 76 women’s volleyball tournament.
Inilabas na rin ng AVC ang draw sa 2017 Asian Women’s Club Championship na idaraos sa Mayo 25 hanggang 31 sa Ust-Kamenogorsk, Kazakhstan kung saan magiging kinatawan ng Pilipinas ang Foton Tornadoes na nagkampeon sa Philippine Superliga Grand Prix.
Mapapalaban ng husto ang Foton dahil kasama nito sa Pool B ang powerhouse Japan, China at Vietnam. Nasa Pool A ang host Kazakhstan, Thailand, Iran at Chinese-Taipei. (CCo)
- Latest